Ang pagkakaloob sa Diyos na may kalakip na pag-ibig at sakripisyo ang totoong pagbibigay (Marcos 12:41-44).
KAPAG tayo ay nagbibigay sa isang tao, hindi natin ito itinuturing na isang payak o ordinaryong pagbibigay lamang, kundi ito'y pagbibigay na mayroong kalakip na pag-ibig at awa sa taong pinagbibigyan natin.
Sapagkat gusto nating iparamdam sa taong binigyan natin na kahit papaano ay may nagmamalasakit o nagmamahal sa kaniya. Kaya maliit man o malaki ang ating naibigay, ito'y kaniyang pinapahalagahan.
Wala naman kasi sa laki ng halaga ang batayan ng pagtulong kundi nasa puso. Nakagagaang din naman kasi sa pakiramdam kapag may natulungan ka at makita ang ngiti ng taong nangangailangan.
Sa social media, may nakikita tayong mga post ng pagtulong. Nakatutuwa pa nga na kung minsan, may pulubi na binigyan ng pagkain, pero sa halip na solohin niya ang pagkain ay ipinamahagi pa niya iyon sa iba ring pulubi.
Kaya ang pulubi na hindi nagdamot sa biyaya na kaniyang tinanggap, nakatanggap pa ng ibang biyaya. At ang nagbigay naman sa pulubi, marahil ay nakatanggap din ng mga biyaya kaya niya ibinabahagi sa pulubi.
Hindi man natin batid kung alin sa mga post na iyon ang tunay o scripted, pero hindi malayo na mayroong mga tagpo na tunay na nangyayari. At marahil, mas marami ang hindi na kinukuhanan pa ng video at ipino-post sa social media.
Sa Mabuting Balita (Marcos 12:41-44), itinuturo sa atin ang tunay na halaga ng pagbibigay na mula sa puso. Matutunghayan sa Pagbasa kung papaano inobserbahan ni Hesus ang mga naghahandog ng salapi sa tempo.
Napansin Niya na maraming mayayaman ang naghuhulog ng malalaking halaga. Habang ang isang biyuda, lumapit at naghandog ng tig-sisingkuwenta sentimo. (Mk. 12:41-42). Maliit man ang handog ng biyuda kumpara sa mga mayayaman, batid ni Hesus na ang handog ng babae ang nakahihigit sa lahat.
Sapagkat ang lahat ng mayayaman ay nagkaloob ng bahagi ng kanilang yaman. Samantalang ang ibinigay ng biyudang babae, bagaman siya’y naghihikahos, ipinagkaloob naman niya ang buo niyang ikabubuhay. (Mk. 12:43-44).
Ang ibinigay o handog ng mga mayayaman ay salaping hindi na nila kailangan o labis ng kanilang yaman. Kaya hindi nila iindahin ang mawala ang naturang halaga ng handog dahil marami pa silang salapi. Pero ang biyuda, kahit kailangan niya ang salapi ay naisip pa rin niyang ihandog.
Itinuturo sa atin ng Ebanghelyo ang pagbibigay nang may pag-ibig at pati na sakripisyo. Alalahanin natin na ang ginagawa natin sa ating kapuwa ay parang ginagawa na rin natin kay Hesus. Kaya kung mayroon tayong hinahandugan ng tulong ay parang si Hesus na rin ang ating tinulungan, lalo na ang taong tunay na nangangailangan.
Pero huwag din nating kalimutan na maghandog sa ating Panginoon, hindi sa paraan ng materyal na bagay, kung hindi sa paglalaan at pagsasakripisyo ng ating panahon o oras. Kung may oras at panahon tayo para magliwaliw, sana ay may oras at panahon din sa pagsisimba, at magpasalamat sa Kaniya. AMEN.
--FRJ, GMA Integrated News

