Dahil sa pagiging busy sa mga gawain at trabaho, marami ang nawawalan na ng oras para magluto kaya mga instant o processed food na lang kinakain. Pero payo ng isang duktor, hindi ito dapat araw-arawin.
Sa programang "Pinoy MD," sinabing hindi maganda sa kalusugan ang madalas na pagkain ng mga instant o processed food dahil mataas ang sodium content nito o maraming asin.
Ayon sa Internist doctor na si Oyie Balburias, pinaparami ang asin ng naturang mga produkto para tumagal at nawawala na ang sustansiya.
Kung hindi maiiwasan, isa o dalawang beses lang sa isang linggo dapat ang pagkain ng mga instant o processed food.
Inihayag ng programa na batay sa inirerekomenda ng mga eksperto, dapat na 2,300 mg. lang ng sodium ang makonsumo ng isang tao sa isang araw.
Ang 2,300 mg. na sodium ay katumbas ng isang kutsaritang asin.
Pero ang isang pakete umano ng instant noodles, umaabot na sa 1700 mg ang sodium na taglay, na halos maabot na sa inirerekomendang konsumo ng tao sa dami ng asin sa isang araw.
Ayon pa sa Pinoy MD, ang pagkaing maaalat ay maaaring magdulot ng mga sakit gaya ng pagkakaroon ng kidney stone, altapresyon, sakit sa puso at iba pa.
Maaari umanong maipon ang asin sa iba't ibang parte ng katawan at maging sanhi ng pagbabara.
Pero maaari bang maging masustansya ang mga instant at processed food kapag hinaluan o sinamahan ng mga gulay? Panoorin ang ilang recipe ng mga instant at processed food na nilagyan ng gulay. --FRJ, GMA Integrated News
