Dahil uso ngayon ang laruang lato-lato, marami ang naglalaro nito--bata man o matanda. Pero dahil sa kaakibat nitong ingay, hindi maiwasan na mayroong mga naiinis. Puwede nga bang ireklamo ang mga naglalaro ng lato-lato lalo na kung nakakabulahaw na?
Ayon kay Atty. Gaby Concepcion sa Kapuso sa Batas segment ng "Unang Hirit," hindi naman maitatanggi ang ingay na nililikha ng paglalaro ng lato-lato.
“Kung sumusobra na, at actually marami na ang nagko-complain na sobra na talaga, lalo na kung ito ay sa dis-oras ng gabi. Lalo na kung magbabarkada at madami sila, sabay-sabay tapos kung saan kayo nakatira, dikit-dikit ang mga bahay kaya talagang nakaka-istorbo, palagay ko ay puwede nang magreklamo rito,” anang abogada.
Aniya, kung ang layunin ay para matigil ang ingay, maaaring magsampa ng abatement of nuisance sa munisipyo at magreklamo sa local health officer para sila ang mag-ayos sa problema sa lugar.
Ngunit kung gusto namang turuan ng leksiyon ang naglalaro ng lato-lato dahil matigas ang ulo at hindi mapakiusapan, maaari nang magsampa ng reklamong unjust vexation.
Ang naturang reklamo ay may parusang kulong na isang buwan at multa na hanggang P40,000.
“Baka it might not be worth the effort. Mas maganda siguro kausapin muna ang kapitbahay baka makuha sa magandang usapan,” payo ni Atty. Concepcion.
Kung ang mga inirereklamo ay mga bata o menor de edad, ang mga magulang ang mananagot dahil sila ang dapat gumabay sa kanilang mga anak.
Ayon kay Atty. Concepcion, ang mga magulang na ang dapat mag-umpisa at pagsabihan ang mga anak para hindi na sila maireklamo. --FRJ, GMA Integrated News
