Sino ang mag-aakala na ang dating nangangalakal ng basura na hikahos sa buhay at nakatira lang sa maliit na barung-barong, isa na ngayong matagumpay na negosyante ng samgyupsal sa Cavite.

Sa programang "Pera Paraan," itinampok ang kuwento ng 25-anyos na si Jessica Absalon, at partner niyang si Kevin Cadavis, na may-ari ng dalawang branch JK Samyupsal sa Imus at Dasmarinas sa Cavite.

Kumpara sa ibang samyupsal na hindi bababa sa P400 ang bayad, sa JK Samyupsal, P199 lang.

Mayroon na itong unli plain pork, may mga marinated pork, may iba't ibang side dishes, at unli rice and drinks na rin.

Kung chicken naman ang trip, may pa-unli wing din sina Jessica at Kevin na P218 ang presyo. Mayroon itong walong flavor, at may kasama pang fries.

Ayon sa mga parokyano nina Jessica at Kevin, halos wala naman daw pinagkaiba sa lasa ang JK Samgyupsal kumpara sa mga mas mahal na samgyupsal.

Dahil galing sa hirap si Jessica, nais din nila ni Kevin na maranasan ng iba na makapag-samgyup nang libre.

Kailangan lang i-share ang post nila sa social media at mag-comment at ipaliwanag kung bakit karapat-dapat silang mapili na bigyan ng libreng samgyup.

Noong nakaraang taon, nag-viral ang post nina Jessica nang ilibre nila ang isang bata at ang lolo nito na nag-ipon daw ng barya para maranasan na makakain ng samgyup.

Ang naturang palibreng samgyup nina Jessica at Kevin ay pasasalamat na rin daw ng dalawa sa mga sumusuporta at tumatangkilik sa kanilang negosyo.

Ayon kay Jessica, mula sa pangangalakal noon ng basura, naisipan niya na maging vlogger at gumawa ng channel sa Youtube dahil sa idolo niyang si Lloyd Cadena.

Malaki umano ang naitulong sa kaniya ni Llyod nang minsan siyang maitampok nito sa vlog ng namayapang vlogger.

Ang kinita ni Jessica sa kaniyang mga content, inipon niya para mailipat niya ng bahay ang kaniyang pamilya mula sa barung-barong na nalulubog palagi sa baha.

Hanggang sa makilala niya si Kevin, at naisipan nila na magtayo ng negosyong samgyup na pareho nilang hilig.

Ang ipinuhunan nilang P50,000, kaagad nilang nabawi sa loob ng isang buwan, at ngayon ay triple na raw ang kinikita nila rito.

Bukod sa nakapagpundar na sila ng mga ari-arian, natutuwa sina Jessica at Kevin na nakapagbigay pa sila ng mga trabaho sa iba. --FRJ, GMA Integrated News