Nagulat na lang ang mga magulang ng isang batang tatlong-taong-gulang nang bigla itong umupo mula sa pagkakatulog at naglaro na tila may hawak na lato-lato kahit nakapikit ang mga mata.

Sa programang "Pinoy MD," ikinuwento ng ginang na si Althea Coreces, na mahilig talagang maglaro ng lato-lato ang anak niyang si Jaime.

Sa umaga, nagigising na lang daw si Althea sa ingay ng lato-lato na pinaglalaruan ng kaniyang anak.

Lumalabas din daw si Jaime para makapagsabayan ng paglalaro ng lato-lato sa ibang bata.

Kaya naman nagulat sila nang minsang umupo mula sa pagkakatulog si Jaime at gumalaw ang mga kamay na tila naglalaro ng lato-lato.

Pinagmasdan pa raw nila si Jaime kung gising na pero napansin nilang nakapikit pa rin ang mga mata nito.

Ayon sa pediatrician na si Dra. Leslie Mae Favenir, tila sleepwalking ang nangyari kay Jaime na naglalaro ng lato-lato kahit tulog.

Sa paglalaro umano ng lato-lato, mayroon umanong  rhythm na kasama rito at subconsciously ay nakarehistro sa isip na dahilan para gumalaw ang katawan kahit tulog.

Paliwanag pa ni Favenir, may maganda rin namang epekto sa katawan ang paglalaro ng lato-lato dahil may bahagi ng katawan na gumagalaw na mistulang ehersisyo.

Isa rin itong paraan upang mailayo ang mga bata sa paggamit ng gadgets.

Nagkakaroon din ng pagkakataon ang mga bata na makipaglaro at makisalamuha sa mga kapuwa nila bata, at maging sa miyembro ng pamilya, sa halip na nakatitig lang sa monitor ng mga gadget.

Pero gaya ng ibang bagay na sobra, nakasasama ang labis na paglalaro, paalala pa ng duktora, lalo na kung nakasasagabal na ang lato-lato sa pag-aaral o oras ng pagkain ng bata.

Kaya payo ni Favenir, kausapin ang mga anak upang magkaroon ng limitasyon sa tagal ng paglalaro ng lato-lato, na siya naman daw ginagawa na ngayon ni Althea sa kaniyang anak na si Jaime.--FRJ, GMA Integrated News