Dahil mahirap ang kanilang buhay noon, inaasam-asam lang ni Mark Calalang na makatikim ng lechon belly. Pero ngayon, negosyo niya na ito at kayang kumita ng hanggang P70,000 kada buwan.

Sa programang “Pera Paraan,” sinabing hindi lang classic lechon belly ang ibinibenta ng "Mr. Pugon" ni Mark, kundi meron pa silang ibang flavor gaya ng Lemon Herb, Lechon De Negra, Lechon Bulakenya, Sweet Style, at Longganisa Calumpit stuffed.

Dahil sa kaniyang pakulo, nakakapagbenta si Mark ng 25 hanggang 50 na lechon belly kada buwan.

Pero gaya ng ibang negosyo, dumaan din sa mga matinding pagsubok si Mark bago niya naabot ang tagumpay.

Kuwento ni Mark na dating OFW, pangarap na niya na makatikim lechon belly sa kanilang hapag noong bata pa lamang siya.

“Nakakatikim lang ako noon kapag fiesta. Hinahanap-hanap ko iyon simula pagtanda ko kasi hindi ko naman afford. Kapag birthday namin as in minsan walang handa eh. Pangarap namin talaga merong isang centerpiece sa table na katulad ng lechon belly,” sabi ni Mark.

Mahirap na nga ang buhay nila noon, lalo pang humirap at nagsimula sila sa wala nang masunog ang kanilang bahay noong 2010.

Para makapag-umpisang muli, nagdesisyon si Mark na maging isang overseas Filipino worker sa Singapore. Unti-unti, nakabangon na sila at makapagpatayo ng maliit na bahay.

Dito na rin nakatikim ng lechon belly si Mark, at nangarap na maging negosyo niya ito.

Pero nang magkaroon ng pandemya, kasama si Mark sa naapektuhan ang trabaho pinauwi ng Pilipinas. Dito na niya sinubukan ibenta ang lechon belly na dating panghanda nila sa Singapore.

“‘Yung flavors, nag-isip ako, nag-research ako sa iba’t ibang bansa. Dito nag-trial and error kami sa different flavors ng lechon belly,” sabi ni Mark.

Noong nagsisimula sa P25,000 na puhunan, si Mark ang nagdedeliber ng order na lechon belly sa iba’t ibang barangay gamit ang bisikleta matapos niyang lutuin.

Dumaan siya sa trial and error, nang hindi pa niya makuha ang tamang luto ng lechon belly sa pugon.

Hanggang sa nag-advertise na rin si Mark sa Facebook at iba pang social media. Mula sa tatlong flavor, naging anim na ito.

Pero muling sinubok ang tibay ni Mark nang masabugan siya ng apoy sa pugon. Nagtamo siya ng first hanggang second degree burn, kaya nahinto ang kaniyang negosyo.

Pero bukod sa sugat na tinamo, kinailangan ding lampasan ni Mark ang traumang sinapit sa pugon. Ngunit para sa pamilya, walang hindi kakayanin si Mark hanggang sa malampasan ang takot sa pugon.

“Eventually na-overcome ko. ‘Yung motivation ko is ‘yung mga anak ko and ‘yung family ko. Hindi ko na inisip ‘yung danger,” sabi ni Calalang. --FRJ, GMA Integrated News