Ang dating tagabalot ng parcel, nagtayo ng sariling negosyo at naging milyonaryo sa edad na 22. Paano nga ba ito nagawa sa tulong ng social media? Alamin.
Sa programang "Pera Paraan," ibinahagi ni Fresquivel "Chok" Morla na dahil sa buy and sell business, nakapagpundar na sila ng kaniyang partner na si Ryza ng opisina, warehouse, apat na staycation, at tatlong logistic partners.
Pero bago ang tagumpay, nakaranas muna ng matinding pagsubok sa buhay si Chok nang pumanaw ang kaniyang ama dahil sa sakit.
Ani Chok, taong 2018 nang magkaroon ng chronic kidney disease (CKD) ang kaniyang ama. Kapag nagpapa-dialysis ang ama, siya raw ang lagi nitong kasama.
Ikalawa sa limang magkakapatid si Chok. Sa panahong iyon, nag-aaral pa siya sa kolehiyo.
Pero isang araw, hindi niya nasamahan ang kaniyang sa pagpapa-dialysis dahil may exam at report siya. Iminungkahi daw niya sa kaniyang ama na hintayin na lang siyang dumating para masamahan niya ito.
Ngunit umalis na mag-isa ang ama niya at bigla na lang daw itong bumagsak habang naglalakad. Isinugod ng mga tao sa ospital ang kaniyang ama pero binawian ito ng buhay.
"So wala siyang kasama noon," malungkot na pag-alaala ni Chok.
Dahil na rin sa pagpanaw ng ama, kinailangan ni Chok na tumigil sa pag-aaral para matulungan ang kaniyang ate na maitaguyod ang kanilang pamilya.
Namasukan si Chok na tagabalot ng mga parcel sa isang negosyo na kaibigan ng ate niya ang may-ari.
Dito na rin niya nakilala si Ryza na namamasukan din sa naturang negosyo. Napag-aralan ni Chok ang pasikot-sikot sa naturang negosyo at nakita niya na malaki ang kita rito.
Hanggang sa nagpasya ang dalawa na mag-enroll sa isang business webinar. Natutunan nila kung papaano magpakilala at magbebenta ng produkto sa pamamagitan ng social media.
Gamit ang P5,000 puhunan na inutang, sinubukan ng dalawa ang buy and sell business noong 2021.
Ang una raw produkto na ibinenta nina Chok ay sapatos, na sinundan ng relo, at pangatlo ang bed sheet.
Nakukuha nila Chok ang sapatos mula sa supplier ng P99 at ibinebenta nila ito ng buy one take one sa halagang P599.
Ang mga relo, nakukuha nila ng P50 at ibebenta ng P299 na buy 1 take 1 rin.
Habang ang bed sheet na nakukuha nila ng P100 hanggang P150 mula sa supplier, naibebenta nila ng P329 hanggang P500.
Nang lumakas ang demand, nangutang muli si Chok ng P50,000 para makabili ng mas marami pang items.
Sa loob lang ng isang buwan, nabayaran na nila ang utang. Nadiskubre rin nila na ang kobre kama o bed sheet ang pinakamabenta nilang produkto.
Ayon kay Chok, nang maayos na ang kanilang negosyo, kumita na sila ng P122,000 sa isang buwan. Ang sumunod na buwan, naka-gross sila ng P600,000, hanggang sa makamit na ang unang P1 milyon sa sumunod na buwan.
Pero sa kabila ng mabilis na pag-unlad, nagkaroon din ng problema ang dalawa sa paglaki ng kanilang gastusin sa pagpapasahod ng mga tauhan.
Dahil na rin sa kagustuhan na makatulong sa iba lalo na sa mga estuyante, dumami masyado ang kanilang tao kahit wala nang ginagawa.
Kaya pinag-aralan nila kung ilan lang talaga ang kailangan nilang empleyado. Mula sa dating mahigit 40 tauhan, ngayon ay nasa 12 na lang ang naiwan.
Ang winning technique ng magkasintahan kung papaano naging matagumpay ang kanilang negosyo sa tulong ng social media, alamin sa buong pagtalakay sa video na ito ng "Pera Paraan." Panoorin. --FRJ, GMA Integrated News
