Sa pagbili ng mga damit, kailangang stretchable ang bilhin ng 26-anyos na si Mark Jacildo para mailusot niya ang malalaki niyang kamay. Ano nga ba ang taglay niyang kondisyon upang maunawaan ng mga tao?
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabi ni Mark na sinisikap niyang gawin ang mga gawain na katulad ng mga taong may normal na laki ng mga kamay.
Isa raw sa mga paboritong gawin ni Mark ang mag-DIY. Gayunman, dahil sa laki ng kaniyang mga kamay at daliri, may pagkakataon na kailangan niyang magpatulong.
Aminado naman siya na dahil sa laki ng kaniyang mga kamay, pati na ang isa niyang braso, may pagkakataon na hirap siyang buhatin ang mga ito at madali siyang mapagod.
Sa kabila nito, ipinagpapasalamat ni Mark ang pagmamahal ng kaniyang pamilya na itinuring siyang hindi naiiba. Kahit sa mga pagtitipon na kasama ang iba pa nilang kamag-anak, hindi pinag-uusapan ang tungkol sa kaniyang mga kamay.
Ngunit dahil na rin sa kakaiba niyang mga kamay, hindi maiwasan ni Mark na nagkaroon ng agam-agam kung magkakaroon pa kaya ng babaeng magmamahal sa kaniya.
Kaya habang wala pang love life, itinuon ni Mark ang kaniyang pansin sa pagnenegosyo sa damit na kung minsan ay siya mismo ang model.
At doon na rin niya nakilala ang babaeng magpapatibok ng kaniyang puso--si Jelai, na humanga sa kakisigan ni Mark nang mag-post ng imino-model na damit.
Pag-amin ni Jelai, hindi niya kaagad napansin noon ang mga kamay ni Mark. At nang makita niya, napatanong daw noon ang dalaga kung inedit ba ni Mark ang mga kamay nito.
Ayon sa Orthopedic surgeon na si Dr. Deejay Manuel Pacheco, ang kondisyon ni Mark kaya lumaki ang kaniyang mga kamay ay tinatawag na Macrodactyly.
Isa umano itong pambihirang kondisyon na sobrang lumalaki o overgrowth ang soft tissue o kaya ang vascular ng tao.
Maaari naman daw na bawasan ang laki ng kamay para magamit pero hindi para maging normal na katulad ng karaniwang kamay ng tao.
Ayon kay Mark, alam niya ang tungkol sa procedure sa pagbawas sa laki ng kaniyang kamay. Datid din daw niya na may peligro itong kaakibat tulad nang maaaring hindi na niya magamit ang kaniyang kamay.
Kaya naman pinili na lang ni Mark na manatili ang malalaki niyang kamay dahil nagagamit pa rin naman niya ang mga ito.
Samantala, hindi naman naging isyu kay Jelai ang malalaking kamay ni Mark dahil nakita niya ang kabutihan at pagiging responsable ng binata.
Kaya matapos ang isang buwan na panliligaw, sinagot na niya si Mark.
Hanggang sa magsama na sila at mabibiyayaan ng isang magandang supling.
At kahit malaki ang mga kamay ni Mark, hindi ito naging hadlang upang maging hands-on dad siya sa pag-aalaga sa anak.
Tunghayan ang buong kuwento nina Mark at Jelai sa video na ito ng "KMJS."-- FRJ, GMA Integrated News
