Paboritong nilalaro ng mga batang 80's o 90's ang teks. Ngayon, isang teks collector ang pinagkakakitaan ito at maaari daw umaabot ng P10,000.

Sa programang "i-Juander," itinampok ang mga lumang teks na may iba’t ibang disenyo ng superhero, pati na rin ang isa sa mga pinakasikat noon na teks na hango sa sinaunang mga pelikulang Pilipino.

Kumpara noon na hinahayaan na mayupi o nalukot ang teks kapag pinaglaruan, ngayon, iniingatan nang husto ang teks para gawing koleksyon.

Isa si Alvin Baccay sa mga nangongolekta ng teks sa Isabela.

Bata lang, mahilig na raw siya sa teks pero nag-umpisa siyang mangolekta ng mga ito noong 2018.

Kung ang iba ay itinatapon na lang ang lumang teks, sabi ni Baccay, naibebenta niya ang kaniyang teks sa halang P5 ang isa, depende sa uri. Kaya naman kumikita siya ng hanggang P10,000 kada benta.

“Nakakamangha lang na ‘yung teks na dating nilalaro ko noong bata ako at ine-enjoy ko, hindi ko akalain na ngayon pala, puwede nang pagkakitaan. Naibebenta na pala, nako-collect na pala,” sabi ni Baccay.

Ipinakita ni Baccay ang isa sa mga rare text na mayroon siya na tinatawag na “pelikula teks,” na disenyo na summary ng mga pelikula noong 80s at 90s.

Tunghayan sa iJuander kung bakit nga ba tumataas ang halaga ng mga laruan gaya ng teks kahit na mura lang ang halaga noon. Panoorin. --FRJ, GMA Integrated News