Sinasabing ang migraine na isang uri ng neurological condition ay kabilang sa primary headaches na nararanasan ng nasa 12 milyong Pilipino, ayon sa 2016 Global Burden of Disease Study. Pero paano nga ba malalaman kung migraine ang nararamdamang sakit ng ulo?

Sa programang “Pinoy MD,” ikinuwento ni Michelle Escote, na 14-anyos pa lamang siya nang una niyang maramdaman ang pananakit ng ulo kahit nasa bahay lang siya.

May nakahanda na siyang gamot para sa sakit ng ulo. Ngunit kapag matindi ang sakit, inuumpog daw minsan ni Escorte ang kaniyang ulo sa pader.

“Minsan po dumarating sa point na nagsusuka na po ako sa sobrang sakit. Kinakatulugan ko na sa kakaiyak,” sabi ni Escorte.

Masasabing migraine ang sakit sa ulo kung may nararamdaman na "pagtibok" sa bahagi ng ulo, at pinapalala ng matinding liwanag, ingay o galaw na maaaring magresulta sa pagduduwal o pagsusuka.

Ayon kay Dr. Aaron Jacob Yumang, resident neurologist sa The Medical City’s Institute of Neurological Sciences, maaaring nasa isang bahagi ng ulo ang migraine, depende sa apat na uri ng primary headaches: tension, cluster, sinus at migraine.

Puwede itong mapalala ng moderate o severe dahil sa physical activity o mga kadalasang aktibidad.

Ilan sa mga sintomas ng migraine ang pagduduwal o pagsusuka, at pagkakaroon ng phonophobia at photophobia.

Ilan sa mga batayan ng pagkakaroon ng migraine ang limang insidente ng pag-atake ng sakit ng ulo. Maaari itong tumagal ng apat na oras hanggang tatlong araw.

Kabilang sa mga posibleng sanhi ng migraine ang environmental at mental triggers, hormonal changes, pabago-bagong sleep pattern, medication at mga pagkain kung minsan.

Ilan sa mga nakaka-trigger ng migraine ang alak, tsokolate, mani, keso at processed foods.

Payo ng duktor para makaiwas o mabawasan ang atake ng migraine o iba pang sakit ng ulo dapat ang proper diet, hydration, ehersisyo, sapat na tulog at bawasan ang pagbabad sa gadgets.

Tunghayan ang iba pang impormasyon tungkol sa migraine sa video na ito ng Pinoy MD. --FRJ, GMA Integrated News