Sa kabila ng mahirap nilang kalagayan, pinatunayan ng conjoined twins na sina Joy at Joyce Magsino, na kaya pa rin nilang abutin ang kanilang mga pangarap.

Kamakailan lang, kasama ang kambal sa mga tumanggap ng medalya sa ginanap na recognition day sa kanilang paaralan.

Dahil sa kanilang tagumpay at pagsisikap sa pag-aaral, umani ng mga papuri sa netizens ang kambal .

Sa programang “Good News,” nalaman na nakatira sa Pandi, Bulacan ang 15-anyos na sina Joy at Joyce.

Ayon sa kanilang inang si Jhomarie Desuyo, hindi niya alam ang kondisyon ng kambal noong ipinagbubuntis niya ang mga bata dahil walang ultrasound sa kanilang lugar.

“Ang naramdaman ko po noon nalungkot po ako, dahil nakita ko po ‘yung kalagayan nila, ang hirap po,” sabi ni Jhomarie, na mula sa Quezon.

Sa kabila ng kanilang kondisyon, sinikap nina Joy at Joyce na mamuhay nang normal.

Natapos na nila ang ikatlong baitang, at aminado silang isang hamon sa kanila ang pag-aaral. Gayunman, hindi ito magiging sagabal sa kagustuhan nilang makapagtapos ng pag-aaral.

Gaya ng ibang bata, may kaniya-kaniyang pangarap din sina Joy at Joyce. Ngunit kung ang kanilang ina ang tatanungin, pangarap niyang mapaghiwalay nang ligtas ang kambal.

Gustuhin man nilang paoperahan sina Joy at Joyce, hirap sila sa pinansiyal, lalo na’t milyong piso ang aabutin sa para sa proseso.

Ayon kay Jhomarie, lumabas sa final general exam sa kanilang paghihiwalay na may problema sa puso si Joyce at mahina ang hangin nito.

“Ang sabi po ng doktor, kung mapaghihiwalay po sila, ‘yung isa po mawawala, ‘yung isa 50-50,” sabi ni Jhomarie.

“Gusto po naming maghiwalay pero sana po ‘yung ligtas po kami,” sabi ni Joy.

Malaki ang pasasalamat ni Jhomarie sa dedikasyon nina Joy ay Joyce sa pag-aaral, kaya labis ang kaniyang tuwa nang parangalan ang kambal sa kanilang eskuwelahan.

“Natuwa po kami kasi ang dami pong natuwa sa video po na ‘yun dahil nakita nila si kambal na na-recognize sila with honors. Sinasabi ko sa kanila na mag-aral po silang mabuti para sa kinabukasan nila dahil kahit magkadikit sila basta may pinag-aralan sila, okay na po ‘yun sa akin,” sabi ni Jhomarie. --FRJ, GMA Integrated News