Hindi na lang katawan ang puwedeng ipamasahe ngayon kung hindi maging ang loob ng bibig sa pamamagitan ng tinatawag na Buccal massage. Papaano nga ba ito ginagawa at anong benepisyon ang kaya nitong ibigay? Alamin.

Sa kuwentong “Dapat Alam Mo!,” ipinaliwanag na ang Buccal massage ay pagmamasahe ng loob ng bibig gamit ang mga daliring may guwantes.

Ayon kay Alexandra Santos-Francisco, co-founder ng Face Sculpt Inc, na sa pamamaraang ito, mas nare-release ang muscles at nade-drain ang fluid sa mukha.

Bukod sa ginhawa, puwede ring makatulong ang Buccal massage para mabawasan ang taba o Buccal fat sa mukha na hindi na kinakailangan ng operasyon o aesthetic surgery.

Inuumpisahan ang Buccal massage sa paglilinis sa mukha, bago ipapasok ang daliri sa bibig para imasahe ang loob ng bahagi ng pisngi.

May pagkakataon ding sinasabayan ng daliri sa labas ng pisngi ang pagmamasahe, kaya nagsisilbi na rin itong doble masahe.

Ginagamitan din ito ng tool na Gua Sha para habulin ang balat at matulungan ang sirkulasyon ng dugo.

Si Miguel Perez ay isang may temporomandibular disorder o TMD, kung saan may muscular tension ang muscles sa panga.

Ngunit nang subukan ang Buccal massage, na-relax ang muscle sa panga ni Perez.

Ayon kay Rene Rodrigo, co-founder ng Face Sculpt Inc., ang Buccal massage ay nagkakahalaga ng P2,500 hanggang P4,000 at tumatagal ng isa at kalahating oras.

Sinabi ng mga eksperto na nakatutulong ang Buccal massage dahil mayroon agad itong instant result. Gayunman, wala umano itong permanenteng resulta. --FRJ, GMA Integrated News