Dahil nahihirapan na sa kaniyang allergic rhinitis ang isang 22-anyos na lalaki, sinubukan niyang maglagay ng bawang sa butas ng kaniyang ilong batay sa napanood niya online na puwede raw itong lunas sa kaniyang kondisyon sa sipon. Pero ligtas at epektibo nga ba ito? Alamin.

Sa programang "Pinoy MD," ipinakilala ang 22-anyos na si Glen Joshua Aguisanda, na tatlong bimpo ang nagagamit sa isang araw kapag sumumpong ang kaniyang allergic rhinitis.


Patong-patong na tissue na rin ang kaniyang naiipon dahil sa sipon.

Ayon kay Aguisanda, second year high school siya nang nagsimula siyang atakihin ng hika. At nang magpa-checkup, lumabas na allergic rhinitis ang kaniyang kondisyon.

Suspetsa ni Aguisanda, nakuha niya ito dahil nag-aalaga sila ng aso noon, at nasa lahi rin nila ang pagkakaroon ng asthma.

Dahil sa allergic rhinitis, naapektuhan ang pag-aaral ni Aguisanda. Nahihirapan siyang huminga kapag sobrang lamig ng aircon sa kanilang classroom.

“Kakati po ‘yung ilong tapos susunod may tutulo. Hatsing nang hatsing. Parang gusto ko na po kasi talaga umuwi pagka ganu’n ‘yung pakiramdam, ‘yung sobrang lala na po, makati na po lahat, tainga, lalamunan, mata,” sabi ni Aguisanda.

Nakailang balik na sa doktor si Aguisanda ngunit namamahalan siya sa check-up. Kaya gumagamit na lamang siya ng antihistamine at nasal sprays bilang home remedies para sa kaniyang allergic rhinitis.

Hanggang sa makita ni Aguisanda ang post sa internet tungkol sa bawang na inilalagay sa butas ng ilong na solusyon daw sa allergic rhinitis.

Ngunit nang tanungin kung epektibo ba ito, pag-amin ni Aguisanda, “Hindi po. Humapdi lang ‘yung ilong ko noon eh.”

Ayon kay ENT Dr. Almia Pazon ng ng Aphrodite Clinic, walang epekto ang bawang para makapagbigay ng ginhawa sa ilong na sinisipon.

“Based sa mga literature, sa pag-aaral, wala po siyang kinalaman sa pagluwag ng ilong. In fact puwede siyang magkaroon ng irritation sa loob ng ilong, tapos kunwari may maiwan siyang garlic doon, puwedeng magkaroon ng infection,” babala niya.

Dagdag pa niya, walang direktang lunas o gamot sa allergic rhinitis, at tanging symptom-based treatment lamang ang ginagawang gamutan para rito.

Dahil “prevention is better than cure,” maiging malaman ng isang tao kung saan siya allergic para maiwasan ang allergic rhinitis.

Alamin sa video na ito ng "Pinoy MD" kung papaano malalaman na allergic rhinitis ang nararamdaman at hindi sa common cold o karaniwang sipon lang. Panoorin. --FRJ, GMA Integrated News