Isang taon matapos maitampok sa programang “Pinoy MD” ang kalagayan ni Jolee Ann Antonio na namaga ang ugat sa braso, kumusta na nga ba siya makaraang maoperahan?

Dahil na rin sa komplikasyong dulot ng Chronic Kidney Disease (CKD), namaga ang ugat sa braso ni Jolee Ann, at naging tampulan siya ng panunukso na may isaw sa braso o nasa braso ang kaniyang bituka.

Bumaba rin ang kompiyansa sa sarili ni Jolee Ann at dumating sa punto na ayaw na niyang lumabas ng bahay. Kung lalabas man, balot na balot ang kaniyang katawan.

Bago magkaroon ng karamdaman, subsob sa trabaho si Jolee Ann para sa kaniyang pamilya. Taong 2018 nang mabuntis siya at nakaramdam ng hindi maganda sa katawan.

Ang madalas na pananakit ng ulo, inakala niyang bahagi lamang ng kaniyang pagbubuntis. Ngunit lumabas sa pagsusuri ng doktor na mataas na ang kaniyang creatinine, o hindi na nasasala nang mabuti ang dumi sa kaniyang katawan dahil pumapalya na ang kaniyang mga kidney o bato.

Hanggang sa ideklara ng duktor na mayroon siyang stage 5 CKD at kailangan na niyang magpa-dialysis. Dumoble pa ang dagok sa kaniyang buhay nang pumanaw ang tatlong buwang sanggol na nasa kaniyang sinapupunan.

Sa ngayon, patuloy pa ring lumalaban sa sakit na CKD si Jolee Ann, pero mas mabuti na raw ang kaniyang kondisyon.

“Ngayon medyo gumaan po, naging okay po ang hemoglobin ko, tapos hindi na po ako masyadong hingal, nakakakilos na po nang maayos,” sabi ni Jolee Ann.

“Sa ngayon po tuloy-tuloy pa rin po ‘yung dialysis ko three times a week kasi po lifetime na po ‘yung dialysis,” lahad pa niya.

Malaki ang pasasalamat ni Jolee Ann sa mga tumulong sa kaniya matapos maitampok ang kaniyang kuwento sa programa.

Setyembre noong nakaraang taon nang operahan ang braso ni Jolee Ann. Bago maoperahan, inayos pa muna ang kaniyang hemoglobin dahil mababa ito.

Sumailalim si Jolee Ann sa ligation para tanggalin ang namagang ugat sa kaniyang braso. Tumagal ang operasyon ng halos kalahating araw.

Nawala na ang tila malaking isaw sa kaniyang braso matapos sumailalim sa anim na mga "cut." Dito, tinanggal ang namumuong dugo at ang mga laman na nagbara sa ugat.

Pinatay na rin ang anastomosis sa kaniyang braso para hindi na ito lumaki ulit.

Ngunit malaki pa rin ang isang bahagi ng kaniyang balikat, na hindi na sinama sa operasyon dahil malapit ito sa kaniyang puso.

“Gumaan na po ‘yung kilos ko, nakakakilos na po ako nang maayos, nakakalinis ng bahay. Gumaan po talaga ‘yung kilos ko, ‘yung pakiramdam ko naging maayos,” sabi ni Jolee Ann.

Nagtayo rin si Jolee Ann ng kaniyang sariling small food business para makatulong sa kaniyang gamutan.

“Ngayon po, kahit maghapon akong nagtitinda o ‘di kaya mga ilang oras akong nakatayo, hindi ako napapagod. Mas okay po ‘yung ganito, feeling ko po normal ako,” saad ni Jolee Ann.

Bukod dito, hindi rin nawawalan ng pag-asa si Jolee Ann na makahanap siya ng kidney donor.

“Sa mga kapwa ko may CKD, huwag mawawalan ng pag-asa. Talagang minsan, down tayo lalo na kapag dumadaan tayo sa krisis financially. Pero kung titingnan natin ‘yung brighter side, mas okay na mabuhay tayo, mas masarap gigising pa tayo kasama natin ‘yung pamilya natin. Stay positive lang, laban lang,” mensahe niya sa mga kapwa may CKD.-- FRJ, GMA Integrated News