Dumadami umano ang mga batang malabo ang mata, partikular ang may myopia o nearsightedness, hindi lang sa Pilipinas, kung hindi maging sa buong mundo. May kinalaman nga ba ito sa pagbababad ng bata sa gadgets, at puwede pa ba itong maiwasan?
Sa panayam ng GTV News "Balitanghali" nitong Lunes, inihayag ni Philippine Eye Research Institute Director, Doctor Leo Cubillan, na tumataas ang bilang ng mga bata na nearsighted, o malinaw lang ang paningin kapag malapit.
Ayon kay Cubillan, sa mga estudyanteng kindergarten sa Pilipinas, nasa 8.9 percent o 4 out of 40 na bata sa classroom ang may "error" sa eye refraction.
Sa mga estudyante sa high school, umabot umano ang bilang sa 16 porsiyento.
Nang tanungin kung ano ang dahilan kung bakit dumadami ang mga kabataan na lumalabo ang paningin, sinabi ni Cubillan na batay sa bagong pag-aaral, may kinalaman dito ang kakulangan ng mga bata sa outdoor activities.
Paliwanag ng duktor, mahalaga ang liwanag ng araw sa labas ng bahay para sa normal development ng mga mata.
"So ang mata, sa pag-grow ng mata ay hindi naging normal, humahaba siya [na] mas mahaba sa normal kaya nagiging near sighted," saad niya.
"In fact, yung mga batang near sighted, ina-advice ng three hours outdoor activity everyday para maiwasan yung pagtaas ng grado," patuloy niya.
Ayon pa kay Cubillian, iba ang antas ng natural bright light sa labas kung ikukumpara sa liwanag sa loob ng bahay o kuwarto.
Sa tanong kung may kinalaman ang mga gadget na laging nakatutok ang mga kabataan kaya lumalabo ang kanilang mga mata, sinabi ni Cubillian na ang gadgets ang isa sa mga dahilan kaya nawawalan ng outdoor activity ang mga bata.
Binigyan-diin din ng duktor na hindi dapat hayaang nakatutok sa screen ang mga bata na wala pang edad na dalawa.
Habang ang mga batang edad dalawang hanggang lima, dapat hanggang isang oras lang ang screentime at hikayatin sila sa mga aktibidad sa labas.
Ang nasa edad anim hanggang 17, hindi naman dapat tumagal ng dalawang oras ang screentime kung hindi tungkol sa pag-aaral.
Tunghayan ang buong panayam kay Dr. Cubillian kung saan sinagot niya ang iba pang paniniwala na may kinalaman sa mata gaya ng kung totoo ba na nakakabulag ang pagtulog ng basa ang buhok at kung mabisang gamot sa sore eyes ang katas ng ina o ihi? Panoorin ang video. --FRJ, GMA Integrated News
