Itinuturing malaking biyaya ng isang ginang na online seller ng mga bag na galing sa ukay-ukay kapag may nakita niyang pera at alahas na nakasiksik sa kaniyang paninda. Siya lang kasi ang inaasahan ng kaniyang mister na may malubhang karamdaman. Tunghayan ang kanilang kuwento.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” ipinakilala si Vilma Maravilla, na tindera noon ng itlog na maalat sa Sta. Rosa City, Laguna. Ngunit “inalat” ang kanilang negosyo kaya napunta siya sa pagbebenta ng mga second-hand bags at wallet na kahon-kahon kung ihatid sa kaniyang tahanan.
Pagdating ng mga bag, isa-isa itong lilinisin ni Maravilla at sinusuri dahil sa posibleng buwenas na nakasiksik sa mga bulsa nito. Kaya naging gawain na niya ang kapain, itaktak at pagbali-baligtarin ang mga wallet at bag.
Kamakailan lang, may nakapang singsing si Maravilla na may disenyo ng diyamante. Ibinenta niya ito sa isang kaibigan sa halagang P7,000, na nakatulong para sa pagpapagamot ng mister niyang si Joel Marc Alhama, na may stage 4 chronic kidney disease at stage 3 colon cancer.
“Sa buhay po namin ng asawa ko, mahirap, maraming pagsubok,” sabi ni Maravilla.
Idinagdag ng ginang na hindi siya puwedeng panghinaan ng loob dahil sa kaniya kumakapit ang kaniyang kabiyak sa buhay.
"Kapag ako nanghina, wala rin siya,” saad ni Maravilla.
Ayon naman sa mister niyang si Alhama, “Sakit ng mayaman itong nakuha ko. Maintenance ko lang alone, madudurog ka na. Pinanghahawakan ko ‘yung misis ko. Laban lang, hanggang kaya ko, laban.”
Sa paghahalungkat ni Maravilla ng mga bag, hindi lang mga alahas ang kaniyang nahahalungkat, kundi meron ding pera.
Minsan na ring nakakuha si Maravilla ng $200 sa itinitinda niyang wallet, na kaniyang pinapalitan sa halagang P10,000. Nakakuha rin siya ng Chinese Yuan bills na nasa halagang P70.
Ngunit nitong Hunyo, nakakita siya ng singsing sa isang ukay bag, at hikaw na hinihinalang gawa sa pilak na mayroong diyamanteng disenyo sa isa pang bag nitong Agosto.
Nitong Agosto 18, may nakapa si Maravilla sa kaniyang ibinebentang ukay bag na isang gintong kwintas na may bilog na pendant.
“‘Yung pagka-gold niya matingkad. May parang mga bilog-bilog na design. Tapos makapal. ‘Yung pagka-pendant niya maliit lang siya pero ang bigat niya,” sabi ni Maravilla.
Para malaman kung tunay ang mga alahas na kaniyang nakita at kung magkano ang halaga nito, ipinasuri ang mga alahas sa isang shop.
May dagdag na pera kaya silang mailalaan sa gamot ni Alhama? Alamin ang resulta sa video ng "KMJS." --FRJ, GMA Integrated News
