May kasabihan na "the more the merrier." Ganito kaya ang pananaw ng isang mag-asawa sa Goa, Camarines Sur matapos na magkaroon sila ng 17 anak.

Sa isang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” inihayag ni Carna Condat, 42-anyos, na mula sa pangalawa hanggang sa pang-siyam na anak niya ay siya na mismo ang nagpapaanak ng kaniyang sarili dahil wala silang pera para kaniyang panganganak.

Nagsisiksikan ang pamilya nila ni Jesus Arce sa isang kubo ng Sitio Lip-ac, at magkakatabi ang kaniyang mga anak sa pagtulog, wala silang sariling palikuran, at bihira lang din silang makaligo.

Kulang din sa mga damit ang kaniyang mga anak at madalas nilang suot ang mga pinaglumaang baro ng mga nakatatanda nilang kapatid. Kung minsan, hindi nakakakain ang magkakapatid.

Binubuhay nina Carna at Jesus ang kanilang pamilya sa pamumulot ng niyog. Sa dami ng kanilang anak, hindi na nila maalala kung minsan ang pangalan ng mga ito.

Sa ngayon, walo na lang sa 17 anak nina Carna at Jesus ang kasama nila sa kubo dahil may pamilya na ang lima sa kanila.

Pumanaw naman noong mga sanggol pa lamang ang ikapito, ikawalo at ikasiyam nilang mga anak na hindi na nila nabigyan ng pangalan.

“Puro dahil sa gutom, hindi dahil sa sakit. Dahi hindi ako nakabili ng gatas. Talagang grabeng pagsisisi ko roon sa tatlong anak ko na namatay dahil sa gutom,” sabi ni Carna.

“Masakit para sa akin ‘yan, na namatay ‘yung mga anak ko kasi napabayaan ko,”  malungkot na pag-amin ni Jesus.

Napilitan din sila noong ipaampon ang isa nilang anak na lalaki dahil sa kahirapan.

“Nagsisisi nga ako na ang dami kong anak. Kung ibabalik ko sana ‘yung panahon, ‘di sana ako nag-anak ng marami,” ani Jesus.

Nalaman din ng Team KMJS na 20-anyos noon si Jesus habang 12-anyos lang si Carna, nang nagsama sila. Unang nagsilang si Carla sa kanilang panganay noong edad 13 siya.

Nagtutungo naman noon sa kanilang health center si Carna para makontrol ang kaniyang pagbubuntis, at sinubukan din nilang gumamit ng contraceptives.

Ang edad ng ina ni Carna nang magkaanak, 13-anyos din lang. At ang bilang nilang magkakapatid, 24.

Tila umuulit ang kapalaran sa kanilang pamilya dahil 17-anyos nang mag-asawa ang babae niyang anak na si Aiza.

Ang vlogger na si Roy “Uragon Hane” Buluan ang nakatagpo sa pamilya nina Carna at Jesus nang minsang maawa siya sa mga bata. Dahil dito, nagbigay sila ng pambahay at bigas sa tulong ng mga sponsor.

Napag-alaman ng Team ng KMJS na pangkaraniwan lang sa lugar nina Carna ang may malaking pamilya.

Pumayag naman kaya si Carna na gumamit ng contraceptive upang hindi na siya muling mabuntis? At ano ang ginagawa ng lokal na pamahalaan sa Goa para matulungan ang pamilya nina Carna? Panoorin sa video ang kanilang buong kuwento. --FRJ, GMA Integrated News