Hindi pa man ganap na naiaangat ang bulto ng mga damit na bubuhatin, bigla na lang napaupo sa sahig at namilipit sa sakit ang isang babae habang hawak ang kaniyang lower back. Bakit nga ba ito nangyayari at dapat ba itong ikabahala? Alamin.

Sa programang "Pinoy MD," ipinakilala ang babaeng namilipit sa sakit na si Yezalyn Añago, online seller ng mga damit, katuwang ang kaniyang live-in partner na si Mark Carlo Refuerzo.

Sa video, nag-aayos ng kaniyang mga panindang damit si Yezalyn at bubuhatin sana niya ang mga ito nang makaramdam siya ng sobrang pananakit sa ibabang bahagi ng kaniyang likuran.

“Pagkabuhat ko sa first attempt ko, hindi ko na kaya. Pagka second buhat ko doon na siya, parang nahiwalay ‘yung lower part ko roon sa bandang itaas ko. Doon siya sobrang sumakit,” kuwento ni Yezalyn.

Nilagyan ni Mark ng hot compress ang sumakit na likod ni Yezalyn. Gumaan din daw ang kaniyang pakiramdam nang magpahilot. Ngunit muli itong sumakit nang tumayo siya makalipas ang tatlong araw.

Nang magpatingin sa orthopedic and spine surgeon na si Dr. Jose Miguel Lumawig, lumabas na nagka-annular o disc tear si Yezalyn, isang spinal condition na nagkakaroon ng punit sa disc annulus o “shock absorber” ng spine.

Dagdag ni Dr. Lumawig, nakukuha ito sa biglaang pagyuko, biglaang pihit ng likod at pagbubuhat ng mabigat.

Sa kaso ni Yezalyn, kusa naman daw itong maghihilom sa loob ng tatlo o apat na araw na pahinga. Ngunit kailangan pa rin niyang iwasan ang pagyuyuko, pagpipihit ng likod at pagbubuhat ng mabigat sa loob ng dalawang linggo para hindi maulit ang sakit.

Kung hindi umano ito maaagapan, maaari itong humantong sa herniated o slipped disc, kung saan napupunit o nawawala sa tamang puwesto ang disc sa gulugod.

Alamin sa video ng "Pinoy MD" ang tamang postura o paraan ng pagbubuhat ng mga bagay para maiwasan ang katulad na nangyari kay Yezalyn. -- FRJ, GMA Integrated News