May kaakibat na peligro sa buhay ng baby at ng ina ang prolonged labor o hindi kaagad nailuwal ang sanggol. Gaya nang nangyari sa isang sanggol na nagkulay ube nang mailabas ng kaniyang mommy. Mailigtas kaya ang bata at puwede bang maiwasan ang prolonged labor?
Sa programang "Pinoy MD," ikinuwento ng 30-anyos na si Mommy Joyce Dela Cruz, na matagal na nilang pangarap ng kaniyang mister na masundan ang kanilang panganay na 12-anyos na.
Kaya laking tuwa ng mag-asawa nang malaman nila noong Enero na buntis si Joyce para sa kanilang bagong baby na papangalanan nilang Baby Kendrix.
Habang nagbubuntis, dumami rin ang kaniyang food cravings, at nakakadalawa hanggang tatlong takal siya na kanin. Nagresulta ito ng pagbigat ng kaniyang timbang.
Mula sa dating timbang na 49 kilos, naging 63 hanggang 64 kilos si Mommy Joyce nang mabuntis. Dahil dito, pinayuhan siyang mag-diet.
Pagkaraan ng siyam na buwan at manganganak na si Joyce, inabot siya ng tatlong oras sa pagle-labor dahil sa malaki ang baby sa kaniyang sinapupunan.
Bukod sa nahirapan siyang umere, nabitin din ang pag-ire ni Joyce kaya natagalan ang paglabas ng ulo ng sanggol.
Nang tuluyang lumabas ang sanggol, may bigat ito na 6.6 pounds, halos triple ng bigat nang isilang niya ang panganay na anak na 2.5 pounds lang.
Ikinabahala ni Mommy Joyce nang hindi niya marinig na umiyak ang kaniyang anak, at hindi rin ito humihinga.
Ilang saglit pa, nagkulay ube na si Baby Kendrix.
Ayon kay Dr. Raul Quillamor, obstetrician-gynecologist, ang tagal o prolonged labor ay nakadepende sa kondisyon ng buntis.
Paliwanag ni Quillamor, matatawag na prolonged labor ang kalagayan ng buntis kapag lumampas ng 10 hanggang 12 oras ang kaniyang panganganak.
Maaaring maranasan ng buntis ang prolonged labor kung ang unang baby ay mas maliit sa pangalawa nilang baby, o kung may mga malpresentation, o iba ang posisyon sa sinapupunan ng sanggol.
Kapag nangyari ito, nawawalan ng oxygen ang baby gaya ng nangyari kay Baby Kendrix na nagkulay ube.
Ipinaliwanag pa ang ilan sa mga dahilan ng pagkakaroon ng prolonged labor, kabilang dito kung hindi pasado ang buntis sa 3Ps of obstetrics na Power, Passage, at Passenger.
Ang power ang tumutukoy sa lakas ng isang ina sa pag-ire, at lakas ng paghilab ng kaniyang tiyan kapag naninigas ang kaniyang matris para maitulak ang sanggol paibaba.
Ang passageway o sipit-sipitan naman ng ina ang sinusuri kung masikip o maluwag para sa paglabas ni baby.
Habang ang passenger ang mismong sanggol, kung saan depende rin ang panganganak sa sukat ng bata kapag lalabas na.
Kapag hindi maganda ang power, passage at passenger, malaki ang posibilidad ang prolonged labor at magkaroon ng fetal compromise ang sanggol, o maaaring mamatay.
Sa parte naman ng ina, maaaring sumabog ang kaniyang matris.
Sa kabutihang palad, matapos ang may isang minutong pagtapik sa likod at pag-suction sa bibig ni Baby Kendrix para alisin ang fluid, nagkaroon na ng malay ang sanggol at umiyak.
Nang madinig ni Mommy Joyce ang iyak ng kaniyang baby, gumaan na raw ang kaniyang pakiramdam at nawala ang sakit.
Tunghayan sa video na ito ng "Pinoy MD" ang ilang tips para maiwasan ang prolonged labor. Panoorin. --FRJ, GMA Integrated News
