Tatlong buwan mula nang iwan umano sa pier sa Bogo City, Cebu ang "aspin" na si Kilay o Chokoy, lagi na raw nag-aabang ang aso sa mga dumarating na barko at tinitingnan ang mga pasahero na tila hinahanap ang kaniyang amo. Pero bakit nga ba sila nagkahiwalay at magkita pa kaya silang muli?
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," makikita si Kilay o Chokoy na aligaga tuwing madidinig ang busina ng papalapit na barko sa pantalan.
At kapag ibinato na ang lubid mula sa barko, kasamang nakikihatak ang aso. Kapag naglabasan na ang mga sakay ng barko, sinasalubong sila ni Kilay na tila may hinahanap.
Napag-alaman na si Kilay o Chokoy ay orihinal na alaga ni Glenn Inoc, na isang trabahador sa barko na dating nakadaong sa naturang pantalan.
Pero nang madestino sa ibang lugar ang barko ni Inoc, napilitan na siyang iwan sa kaibigan si Kilay.
Sabi naman ng kaibigan ni Inoc na si Clemente, bagaman iniuuwi niya sa kaniyang bahay si Kilay, umaalis umano ang aso at bumabalik din sa pier at nag-aabang ng barko.
Kung tutuusin, hindi naman pinapabayaan ng mga magtatrabaho sa pier at maging ng tauhan ng Philippine Coast Guard ang aso.
Katunayan, ginawan na siya roon ng bahay at laging binibigyan ng pagkain. Iyon nga lang, tila hinahanap daw nito ang kaniyang orihinal na amo na si Inoc.
Napag-alaman na ang barkong sinasakyan ni Inoc ay dumadaong sa lugar na tatlong oras ang layo sa Bogo.
Masakit daw sa kalooban niya na iwan ang alaga sa pier at nami-miss na rin niya si Chokoy o Kilay.
Para magkita na muli ang mag-amo, tinulungan ng "KMJS" team si Inoc na makabiyahe siya papunta sa Bogo. At pagkaraan ng tatlong buwan, makilala pa kaya siya ni Chokoy at tuluyan na kayang magkakasama muli ang dalawa?
Tunghayan ang kanilang pagkikita sa video na ito ng "KMJS." --FRJ, GMA Integrated News
