Kung dati ay laruan lang para sa bata ang mga manika, ngayon, puwede na rin daw makatulong ang mga ito upang maibsan ang nararanasang mental health issue ng isang tao gaya ng anxiety, depression at maging ng dementia.
Sa ulat ni Katrina Son sa programang "Brigada," sinabing isa sa mga partikular na uri ng manika na trending ngayon ang tinatawag na mga reborn doll na sadyang ginawa na mukhang sanggol.
Ang iba, isinasama bilang koleksyon ng mga manika ang reborn doll, habang ang iba, itinuturing nilang companion o kasama sa buhay.
Ang 29-anyos na si Arleene May Ramos, dati raw takot sa mga manika noong bata siya. Pero ngayon, mahigit 100 na ang kaniyang kaniyang manika, at kasama rito ang reborn dolls.
Nagkaroon siya ng reborn dolls nang magpabili sa kaniya ang kaniyang anak. Natutuwa si Arleene dahil nagiging bonding nilang mag-ina ang mga manika, at lalo silang napalapit sa isa't isa.
Maliban sa nakatulong sa ugnayan nilang mag-ina ang mga manika, sinabi ni Arleene na nakatulong din ang ito para malampasan niya ang kaniyang postpartum depression makaraan niyang manganak.
"Sobrang laki po ng naitulong nila na hindi ko rin ini-expect na makakatulong sila," ani Arleene dahil sa ginagawa niyang pag-asikaso sa mga manika..
"Yung stress ko po ba eh nawawala, may pinagkakaabalahan po ako. Kaysa ang pinagkakaabalahan ko eh yung mag-isip ng kung ano-ano. Kasi hindi po natin makontrol kapag may pinagdadaanan tayo," paliwanag niya.
Ang 75-anyos naman na si Lola Gloria Cosipag, na-diagnose na may Alzheimer-dementia.
Kuwento ng kaniyang anak na si Amelia, naging madalas ang pagiging iritable ng kanilang ina at malilimutin.
Kabilang sa ipinayo umano bilang therapy kay Lola Gloria ang paglalaro ng puzzle upang gumana ang kaniyang isip.
Ang paglalaro umano ang naging bonding nila sa kanilang ina. Hanggang sa ibili nila ito ng dalawang reborn dolls na si Lola Gloria umano ang nagbigay ng mga pangalan.
Ayon kay Amelia, bagaman nakakalimutan na umano ni Lola Gloria ang kanilang mga pangalan, hindi naman nakakalimutan ang kanilang ina ang pangalan ng dalawang manika.
Nagpapasalamat sila sa mga manika dahil nakikita nila na nagkakaroon ng pinagkakaabalahan at kasama palagi si Lola Gloria.
Mayroon nga bang basehan na nakatutulong ang mga manika o reborn dolls sa mga taong may mental health issue? Alamin sa video ang pananaw ng mga eksperto. Panoorin ang buong kuwento. -- FRJ, GMA Integrated News