Dahil sa laki at bigat ng kaniyang puwet, hirap kumilos at maglakad ang isang lalaki sa Valencia City, Bukidnon. Kahit ang kaniyang pagtulog at pagbabanyo, mistulang kalbaryo na rin. Kaya naman umiiyak siyang humihingi ng tulong sa kaniyang sitwasyon.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing 14-anyos noon si Leonilo Ninofranco, nang may tumubong parang maitim na peklat sa kaliwang pisngi ng kaniyang puwet.

Pagkalipas ng panahon, tinubuan ito ng bukol at unti-unting lumaki. Ngayon, tinatayang may 20 kilo na umano ang bigat ng puwet ni Leonilo.

Kaya naman hirap na siyang kumilos, maglakad, at maging ang sumampa sa mga pampublikong sasakyan gaya ng tricycle. Iyon ay kung may magpapasakay sa kaniya.

Ayon kay Leonilo, iniiwasan siya ng ibang driver na isakay dahil sa kumakain ng malaking espasyo sa upuan ang kaniyang puwet.

Dahil na rin sa kalagayan ng kaniyang puwet, naging tampulan ng panunukso si Leonilo, na solong naninirahan dahil iniwan sila ng kaniyang ama, at may ibang pamilya na ang kaniyang ina.

Ayaw na rin ni Leonilo na maging pabigat sa kaniyang mga kamag-anak na pinagpasa-pasahan siya.

Kaya namin binubuhay niya ang sarili sa pagtitinda.

Pag-amin ni Leonilo, nahihirapan na siya sa kaniyang kalagayan kaya nais sana niyang maipaopera ang kaniyang puwet.

"Hindi ko alam kung bakit, ano ba ito [na] lumaki. Palagi ko na... hindi ko matanggap na lalo siyang lumalaki hanggang ngayon," umiiyak na sabi ni Leonilo.

Dahil sa laki ng kaniyang puwet, nakatayo na lang siya kung dudumi, at nakadapa kung matutulog.

Ano ba ang kondisyon ni Leonilo na dahilan para lumaki nang sobra ang kaniyang puwet? Anong paraan kaya ang maaaring gawin para maibsan ang kaniyang dala-dalang problema? Panoorin ang buong kuwento sa video ng "KMJS." --FRJ, GMA Integrated News