Nag-viral kamakailan ang insidente ng isang empleyado na nagkaroon ng allergy matapos umanong kainin ang baon ng kaniyang katrabaho nang walang paalam. Sino nga ba ang may pananagutan sa kanila?
"Siyempre 'yung nagnakaw. Kasi in the first place, hindi naman sa kaniya 'yun, kinuha niya. Malay ba nu'ng nag-prepare na may allergy pala siya," paliwanag ni Atty. Anna Jaycelle Sacramento sa "Dapat Alam Mo!"
"Kinuha niya, walang paalam-paalam. Tapos nagkasakit siya. Kasalanan niya 'yun. So walang liability 'yung may-ari ng baon doon," pagpapatuloy niya.
Sa isang insidente naman kung saan nilagayan ng empleyado ng kaunting lason ang kaniyang baon para malason ang sinomang nagnakaw, ang nagnakaw pa rin ang may pananagutan.
"Kasi kinuha pa rin niya 'yung bagay na hindi sa kaniya... Hindi sa kaniya, ninakaw niya. So, kung ano man mangyari sa kaniya, sa kaniya," sabi ni Sacramento.
Ngunit magiging ibang usapan na kung may intensyon nang saktan o pumatay ng tao.
"Medyo malalim na 'yan. Mayroon tayong tinatawag na mitigating circumstance... May liability ka, pero papababain niya 'yung liability mo."
Isa namang halimbawa na pinangalanan ng empleyado sa social media ang kumuha ng kaniyang pagkain, sinabi ni Sacramento na titingnan ng batas ang kaniyang "intent."
Kung may intent siya na siraan ang tao, maaari siyang makasuhan ng online libel.
"'Yung truth, puwedeng maging defense. Pero kapag meron talagang malicious intent, medyo magkakatalo-talo," sabi niya. — VBL, GMA Integrated News
