Batal pa lang nang ampunin at dalhin sa Norway si Espen Haugland. Ngayon na isa na siyang matagumpay na negosyante, umuwi siya ng Pilipinas para hanapin ang tunay niyang ina. Magtagumpay kaya siya? Alamin.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing 1989 nang ampunin ang isang-taong-gulang pa lang noon na si Aspen mula sa Legazpi, Albay, at dinala siya sa Europe ng umampon sa kaniya.

Lumaki siya sa Haugesund, Norway, at nagkaroon ng magandang buhay.

"My family was very loving and caring and super happy to have me in Norway. My father is in the oil industry and service and my mother is in government. I also came home to a sister," kuwento ni Aspen, na nagsabing hindi rin siya nakaiwas noon sa pambu-bully dahil sa pagiging "iba" niya.

"I was just asking why I look different. And they told me that I was originally born in the Philippines," saad niya.

Habang lumalaki, gumagawa naman ng paraan ang mga umampon kay Espen para manatili ang koneksyon niya sa bansa na kaniyang pinagmulan.

"They tried to go to the Asian stores to find something that was Filipino so that I could try to get some Filipino food or taste this kind of food also in Norway,"sabi pa niya.

Nagsikap si Espen para maging matagumpay sa buhay. Naging mahilig din siya sa larong football at soccer, at pinangarap na makalaro ang Philippine Azkals.

CEO na ngayon si Espen ng kaniyang kompanya na nasa technology at real estate. Pero sa kabila ng tagumpay, hindi pa rin maalis sa isip niya ang kaniyang tunay na ina.

Kaya naman sinimulan ni Espen na magsiyasat tungkol sa kaniyang nakaraan sa Pilipinas, at natuklasan niya ang tunay niyang pangalan at kung sino ang kaniyang ina.

"My Norwegian name is Espen, but when I looked at the papers, I found that my Filipino name is Jerad Marquez Daria," saad niya.

Dito na nakipag-ugnayan si Espen sa ahensiya na namahala sa kaniyang papers. Ayon kay CSWD staff Lea Dat, taong 2008, nang makatanggap sila ng "requesting to locate the family" mula sa Inter-country Adoption Board.

Ayon kay Espen, hindi siya nagtanim ng sama ng loob sa kaniyang biological parents at nais lang niyang malaman ng kaniyang mga magulang na maayos ang kaniyang naging buhay.

"I am very forgiving. I believe that the Lord will shed light on our darkness even within our questions than the hardships. So I've let down my anger or my disappointments. I forgave her for this and I tried to understand and accept the fact that she finally gave me away for adoption," pahayag niya.

Noong bagong taon, dumating sa Pilipinas si Espen kasama ang kaniyang partner na si Anna.

"I think it also has something to do with my relationship with my girlfriend because we have been discussing and talking about having children ourselves. So then I felt that I really have to have a good answer for my own children: where is dad's country and where is he from, what is his history," sabi ni Espen.

Ipinost din ni Espen sa Facebook ang paghahanap niya sa kaniyang ina. Hanggang sa maiugnay siya sa isang ginang sa Legazpi City na nagsabing may anak siyang ipinaampon noon na ang pangalan ay Jerad.

"Ipinanganak ko nu'ng August 1988. Ipinaampon ko siya noon pagkapanganak ko pa lang, mga 4 days siya. Tapos ibigay sa taong magkakaroon siya ng magandang kinabukasan," emosyonal na kuwento ni Eufemia.

Kahirapan ang nagtulak umano sa kaniya para ipaampon ang anak.

"Kahit binigay ko ang anak ko, napaiyak ako, sabi ko ganito pala ang pakiramdam ng ina 'pag ang anak pinamigay. Sabi ko, 'Anak, hindi sana puwede kaya lang hindi ko naman kaya ang buhay ko. Intindihin mo. 'Pag may pag-iisip ka na, huwag kang magagalit sa akin," sabi ng ginang.

Kahit nagkaroon na muli ng anak na si Melvin, hindi raw nawala sa isip ni Eufemia ang ipinaampon niyang anak.

Si Melvin, umasa rin na makikita ang kapatid nang malaman niya noon ang nangyari sa kaniyang kuya.

"Sana nakasama ko siya ngayon. Sana naging kalaro ko rin nu'ng bata pa ako. Sabi ko, 'Ma, hanapin natin siya,'" saad niya.

Nalaman ni Eufemia ang tungkol sa post ni Espen sa tulong ng kaniyang amo.

Naiayos naman ang pagkikita nina Espen, at pinaniniwalaan niyang ina na si Eufemia, at posibleng kapatid na si Melvin.

Sa loob ng simbahan, hindi napigilan ni Eufernia na maiyak nang makita na agad si Espen.

"I miss this, my son. I miss you, oh my God," sabi ni Eufermia na humingi ng paumanhin sa anak.
"I'm very sorry because I gave you to... because nu'ng time na 'yun I'm very, hirap na hirap ako sa buhay. Kaya ko siya binigay. It's difficult life," aniya.

Sabi naman ni Espen sa kaniya, "You are so beautiful."

Ipinaalam din niya na nauunawaan niya ang lahat.

Para matiyak kung mag-ina nga sina Eufemia at Espen, sumailalim sila sa DNA test, at ang resulta, 99.9999% probability of maternity.

"No more question," sabi ni Espen. "I feel so lucky, so happy to find my mother and my brother. And now, we have special relationships after this time. And I hope we can share many good moments together in the future."

Plano ni Espen na mag-apply para sa dual citizenship at gamitin ang kaniyang Filipino name sa kaniyang mga dokumento.

Panoorin ang buong kuwento at ang nakaantig nilang pagkikita sa video ng "KMJS." -- FRJ, GMA Integrated News