Dahil sa isang pambihirang kondisyon, namayat at nanigas ang balat ng isang dalaga. Nang malampasan niya ang taning noon sa kaniyang buhay, ginamit niyang motibasyon ang kaniyang kondisyon upang maghatid ng inspirasyon at impormasyon sa iba online.

Sa kuwentong “Dapat Alam Mo!” ipinakilala si Coleen Velasco, may scleroderma, na isang autoimmune disease na nagdudulot ng paninigas ng balat.

Kuwento ni Velasco, edad 12 siya nang taningan siya ng doktor na maaaring mayroon na lamang siyang limang taon para mabuhay.

“Can you imagine? 12 years old ka, sasabihin sa'yo na life expectancy na in five years, mamamatay na ako. Ilang taon ako noon, 17. ‘Makakaabot pa ba ako ng college?’ ‘Yun ‘yung thoughts ko noong around that age,” kuwento niya.

“Kapag pinress down mo ‘yung skin ko, matagal siyang umangat ulit, tapos nagli-leave siya ng white mark. Nag-start magsugat ‘yung hands ko and nag-start nag-deteriorate ‘yung digits, ‘yung fingers. Hindi ko siya sineseryoso nu’ng time na ‘yun,” sabi ni Velasco tungkol sa kaniyang sakit.

Nang umabot sa kolehiyo, sinabi ni Velasco na mas sineryoso na niya ang kaniyang karamdaman.

Dahil sa gamot at patuloy na pag-eehersisyo, nalagpasan ng dalaga ang taning sa kaniyang buhay.

Ngunit dumaan man ang higit isang dekada, wala pa rin umanong lunas sa sakit ni Velasco.

Paliwanag ni Dr. Aileen Agbanlog-Dimatula, isang rheumatologist, maaaring sa genetic at virus nakukuha ang scleroderma.

“Ang scleroderma ay nahahango sa salitang ‘sklero’ na ang ibig sabihin ay paninigas at ang ‘derma’ ay meaning ay skin. So ito ay paninigas ng ating mga balat. Base sa maraming pag-aaral ay nakukuha sa isang pasyente may genetic predisposition at sometimes sa environmental triggers din tulad ng viruses,” sabi ni Agbanlog-Dimatula.

Ayon kay Agbanlog-Dimatula, malaking bagay na maagang matukoy kung may scleroderma ang isang tao upang maiwasan ang mga komplikasyon na kasama ng kondisyong ito.

Inilahad naman ni Velasco na pinagsisisihan niyang uminom siya noon ng alak na nakasira sa kaniyang immune system at nahirapan ang kaniyang katawan para labanan ang scleroderma.

“That was the hardest part in my life. Kasi sobrang na-bedridden ako for a week which was never gonna experience. Madalas akong mahimatay. At one point na-rush ako sa ER. Akala ko mamamatay na ako,” sabi ni Velasco.

“Noong gabing ‘yun, I realized na hindi na the same way ‘yung katawan ko before. I'm not the same old Colleen na malakas,” pagpapatuloy niya.

Ilan sa kaniyang mga naging libangan ang paggawa ng content online, drawings, at pagme-make-up.

“The third way na I did to celebrate my acceptance was to dress up more. Kapag nagdadamit ako ng maganda ‘yung araw ko,” sabi ni Velasco.

Tanggap na ni Velasco ang kaniyang kalagayan, at nagsisilbi niya ring lakas upang higit na maintindihan ang kondisyon.

“I started making content to make the diagnosis for younger people less scary. Kaya ngayon, nag-raise awareness na rin ako in a fun, light-hearted way,” sabi ni Velasco.

“When I was at my lowest, I genuinely felt na praying helped me so much. Lalo na when I was bedridden," saad niya.

Mensahe ni Velasco sa mga tao, "Kahit wala pang lumalabas na symptoms, please exercise, please take care of your body. Life is meant to be enjoyed.” -- FRJ, GMA Integrated News