Kinaantigan ng netizen ang isang aso sa Binalonan, Pangasinan, na tila hindi pa nakakabawi sa puyat at lungkot sa pagpanaw ng isa niyang amo, ay muli na namang nagdadalamhati nang mamatay din ang isa pa niyang amo sa loob lang ng isang buwan.

Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, ipinakita ang video na ini-upload ni Bailey Jean Manuel, na makikita ang aso na si "Georgia," na paupong nakapikit na sa ibabaw ng isang silya habang nasa burol ng kaniyang amo.

Ayon kay Manuel, umaalis lang sandali ang aso kung kakain pero bumabalik din ito sa burol at pumupuwesto sa carpet o uupo sa ibabaw ng silya.

Hindi umano nakapagtataka kung antok-antok ang hitsura ni Georgia dahil hindi pa raw ito nakakabawi sa puyat sa burol ng isa pa niyang amo.

Kuwento ni Manuel, si Georgia ay alaga ng kaniyang lola at tita, na magkasunod lang pumanaw sa loob ng wala pang isang buwan.

Kapansin-pansin din umano na may partikular na upuan na pinupuwestuhan si Georgia, ang upuan na tanaw niya ang larawan ng kaniyang amo na nasa ibabaw ng ataul.

"Kahit pinapaalis po ayaw po talagang umalis [ni Georgia] bumabalik po," sabi ni Manuel.

Bakas kay Georgia ang labis na pangungulila pero hindi naman daw nila pababayaan ang aso dahil kukupkupin siya ng kapatid ng kaniyang namayapang amo.--FRJ, GMA Integrated News