Sa kulungan ang bagsak ng isang 19-anyos na lalaki dahil sa pangmomolestiya umano sa isang babaeng menor de edad sa isang sementeryo sa Marikina. Depensa ng suspek, kasintahan niya ang biktima.

Sa ulat ni EJ Gomez sa GTV News Balitanghali nitong Miyerkoles, sinabing isinilbi ang arrest warrant sa lalaki nitong Lunes sa Barangay Fortune.

Ayon sa pulisya, nangyari ang pangmomolestiya noong Mayo 2024, at 17-anyos pa lang noon ang suspek, habang 15-anyos ang dalagita.

Lumabas sa imbestigasyon na hindi naibalik ng biktima ang hiniram niyang cycling shorts sa akusado, kaya niyaya umano ng suspek na makipagkita sa kaniya ang biktima.

“Accordingly, kaya hindi niya maisauli kasi nawawala. And from there ay sabi ng lalaki, sige pumunta ka dito. Pumunta naman siya,” sabi ni Police Colonel Jenny Tecson, hepe ng Marikina Police.

Hanggang sa magkita ang dalawa sa loob ng isang sementeryo sa Barangay Santa Elena at doon naganap umano ang unang insidente ng pangmomolestiya.

Ang ikalawang insidente naman, nangyari rin umano sa isang sementeryo sa Barangay Tañong.

Oktubre 2024 nang ilabas ng korte ang arrest warrant laban sa akusado na itinanggi ang paratang.

Depensa niya, girlfriend niya ang biktima na nagpapunta umano sa kaniya sa sementeryo para ipakilala ang lola niyang namayapa na.

“Siya po 'yung nagpapunta po sa akin doon. Papakilala niya raw po sa lola niya. Akala ko po sa bahay. ‘Yun po pala, sa sementeryo. Doon niya lang sinabi na wala na nga raw po 'yung ganu’n. Wala na 'yung tao. Patay na raw po. Girlfriend ko po siya noong panahon na ‘yun. Wala pong nangyaring ganu’n na molestiya po,” sabi ng akusado.

Nahaharap sa kasong two counts of acts of lasciviousness ang lalaki. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News