Habang mahimbing na natutulog, biglang nagising ang isang lalaki at nahihirapang huminga. Binangungot nga ba siya dahil sa dami ng nakain bago matulog o dahil sa labis na pagkapagod? Alamin.

Sa programang "Pinoy MD," ipinakita ang video footage sa nangyari sa delivery rider na si Argie Miranda, na biglang nagising at nahihirapang huminga.

Hirap din siyang gumalaw kaya tinulungan siya ng kaniyang asawa na makaupo. Tumagal ng dalawang minuto bago nakahinga nang maayos si Argie.

Bago natulog, sinabi ni Argie na marami siyang nakain at nainom, bukod pa sa pagod siya. Kaya hinala niya, baka binangungot siya.

Pero nang ipakita kay Dr. Pearl Diamante, adult neurologist sleep medicine specialist, ang video, nakita niya ang presentasyon ng nangyari kay Argie na hirap huminga at tumayo, na nakikita umano sa sitwasyon ng mga pasyente na may obstructive sleep apnea.

"Daluyan po ng hangin na kapag natutulog po nagkakaroon po ng bara. Kapag nababarahan po iyon, hindi po nakakahinga nang maayos, ang resulta po niyan hinahabol niya yung paghinga niya paggising," paliwanag ng duktor.

Nang pumunta sa ospital si Argie, isinailalim siya sa mga pagsusuri gaya ng electrocardiogram o ECG.

Normal naman ang resulta sa kaniyang pagsusuri at posibleng heartburn umano ang naranasan ni Argie.

Ayon kay Argie, may ininject sa kaniya na para sa acid at ilang gamot na ipinainom. Matapos nito, bumuti na ang kaniyang pakiramdam.

Sinabi rin ni Argie na bago pa man mangyari ang insidente na nahirapan siyang huminga, ilang linggo na umano siyang madalas na dumighay kahit hindi naman siya kumakailan.

Nakakaramdam din umano siya ng masakit sa dibdib.

Ang sinasabing heartburn, may kaugnayan sa acid reflux.

Ano nga ba ito na hindi dapat balewalain dahil maaaring lumalala at mauwi sa GERD o Gastro-Esophageal Reflux Disorder. Panoorin ang buong paliwanag sa video at alamin ang mga paraan upang maiwasan ang ganitong kondisyon. --FRJ, GMA Integrated News