ni Ferdinand Pisigan Jarin
Mabisang ipakikilala sa mga manonood ng bagong Ilonggo film na “Isa ka Pungpong nga Rosas” (A Bouquet of Roses) — isang pelikula sa wikang Hiligaynon at Ingles — ang konsepto ng kaganapan o “becoming” ng malalim nating pagtingin sa pagmamahal kahit pa itinulak ito ng mga negatibong sirkumstansiyang nauna nang nagpadapa sa atin.
Ang pelikula ay hango mula sa maikling kuwentong Hiligaynon (na may parehong pamagat), na isinulat ni Alice-Tan Gonzales, isa sa mga prominenteng babaeng manunulat ng rehiyon ng Kanlurang Visayas at ng ating bansa.
Nagwagi ang naturang kuwento ng Gawad Palanca noong 1997.
Tungkol ang pelikula sa kuwento ni Gemma, na sa mismong araw ng kaniyang kaarawan ay mapapatda sa pagkalimot ng nobyong si Larry sa kahalagahan ng araw.
Magreresulta ito ng pagtanggap niya sa reyalidad na hindi siya totoong minamahal ng nobyo. Gayunpaman, natawagan at nakasama niya sa isang simpleng selebrasyong-pandalawahan ang bagong kaibigang si Claire, na noong una pa man ay pinaghinalaan na ni Gemma bilang isang lesbiyana.
Ang intimasyon ng kanilang pag-uusap ang magpapakilala sa kani-kanilang mga nakalipas: kay Gemma bilang biktima ng seksuwal na pang-aabuso noon ng mismong kapatid at ang patuloy niyang paghahanap sa kahulugan ng totoong pag-ibig habang tumatanda — na magtutulak sa kaniya para hanapin ito sa mga kumplikadong pakikipagrelasyon (kahit pa sa may-asawa), at kay Claire na aaming totoong lesbiyana at minsan nang nagkaroon ng totoong pag-ibig subalit nawala agad nang mamatay ang minamahal mula sa isang car accident.
Mula sa hapunan sa restaurant, magiging dulong-bahagi ng pelikula ang paglalim pa ng pag-uusap ng dalawa tungkol sa pakikipagrelasyon sa apartment na inuupahan ni Gemma.
Sa katapusan ng kuwento, magiging saksi tayo sa eksena ng tangkang pagpaparaya ni Gemma kay Claire na pipigilin naman ng huli—para itanim sa atin ang katotohanang hindi mapanamantala ang totoong pag-ibig, lalo’t papausbong pa lamang.
Mahusay ang naging adaptasyon ng direktor na si Julie Prescott (na isa ring propesor sa Division of Humanities sa UP Visayas sa Iloilo) sa kuwentong ito ni Tan-Gonzales bilang kaniyang debut-film.
Lubos niyang naitanghal ang kapangyarihan ng pelikula sa tatlong signipikanteng kadahilanan: Una, ipinakilala nito na rape o panggagahasa rin ang anumang sekswal na pang-aabuso (sa kuwentong ito —ang pagdaliri na ginawa ng kapatid sa batang si Gemma) taliwas sa mas kinikilala noong dapat ay penile penetration lamang.
Ikalawa, totoong walang kasarian ang pagmamahal. Ang katotohanan nito ay nakasalalay sa pagtanggap sa kabuoan ng pagkatao ng minamahal, lagpas pa sa kanilang nakaraan at genitalia. At ikatlo, ang kahusayan ng matimping mga eksena.
Mas naiparamdam ni Prescott ang mga personal na panimdim at dilemma ng mga tauhan sa manonood. Hindi nahulog ang pelikula sa kumunoy ng melodramatikong pagkukuwento na kadalasang paboritong gawin ng mga pipitsuging filmmaker.
Malinaw din ang naging daloy ng kuwento. Walang mga naging story humps na puwedeng makaantala sa ideyang ikinakabit sa mga manonood. Matalino ring naipasok ang ilang flashback dahil hindi nakapanliligaw sa biyahe ng biswalisasyon ng audience.
Masasabi ring “tour de force” ng mga Ilonggo filmmaker ang produksiyon ng pelikula.
Para suportahan ang kauna-unahang pelikula ni Prescott, isinulat ng award-winning Ilonggo director at propesor din ng UP Visayas na si Kevin Pison Piamonte ang screenplay ng pelikula at pinangunahan naman ng Ilonggong si Ruperto Quitag ang sinematograpiya at editing.
Bukod sa mga karangalan mula sa iba’t ibang award-giving body sa pelikula, lokal man o internasyunal, ang dalawa ay pawang nagawaran na ng titulong UP Artist ng Unibersidad ng Pilipinas.
Malaking ambag din ang pelikulang ito sa matagal nang itinataguyod na kaisipang ang pelikula ay literatura din. Sana’y dumami pa ang mga pelikulang humahango ng kuwento mula sa mahuhusay na akda ng mga Pilipinong manunulat, tulad ng mga akdang nagwagi sa Gawad Palanca.
Malinaw na napapanahon ang produksiyon at pagtatanghal ng pelikula sa ginaganap ngayong Pride Month. Higit sa lahat, laging magiging napapanahon ang pelikulang ito lalo’t marami pa rin sa atin ang patuloy na nangangarap ng isang ganap na relasyon sa kabila ng dinanas nating mga kakulangan at kumplikasyon sa buhay.
Si Ferdinand Pisigan Jarin ay awtor ng mga libro, awardee ng Don Carlos Palanca Memorial at National Book Award, at assistant professor sa Unibersidad ng Pilipinas Visayas.
--Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News

