Dahil sa matinding selos, pinutol ng isang babae ang "kaligayahan" ng kaniyang mister sa Baguio City. Sa Cebu naman, naputulan ng isang daliri ang isang babae nang makaaway niya ang umano'y babae ng kaniyang kinakasama. Maikabit pa kaya ang naputol na parte ng kanilang katawan?

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo Jessica Soho," aminado ang ginang na itinago sa pangalang "Agnes," sa ginawa niyang pagputol sa ari ng kaniyang mister na si Jovencio sa Baguio City.

Nagawa niya ang krimen dahil umano sa matagal nang kinikimkim na galit sa kaniyang mister na sinasaktan siya at babaero umano.

Ang mga alegasyon ni Agnes, mariin namang itinatanggi ni Jovencio na nagpapagaling pa sa ospital.

Dahil sa Pangasinan nagtatrabaho si Jovencio, naging madalang na umano ang pag-uwi nito sa kaniya at naging malamig na rin ang pakikitungo sa kaniya.

At nang araw na umuwi si Jovencio ng Baguio, nag-aya ito ng inuman sa kaibigan at nakisali si Agnes.

Matapos ang inuman, nagsiping ang mag-asawa pero nagbanggit umano ng ibang babae ang kaniyang mister.

Kumuha ng kutsilyo si Agnes at nang makakuha ng pagkakataon, doon na niya pinutol ang ari ni Jovencio.

Kaagad na dinala sa ospital si Jovencio, pati ang pinutol na bahagi ng kaniyang ari para subukan maikabit muli.

Sumuko naman sa pulisya si Agnes, na humihingi ng patawad sa kaniyang ginawa. Handa rin daw siyang tanggapin ang parusang ipapataw sa kaniya.

Kasong mutilation ang kinakaharap ni Agnes, na ayon kay Atty. Spocky Farolan, ay may parusang anim hanggang 12 taon na pagkakakulong sa sinumang mapapatunayan ng korte na nagkasala.

Sa Talisay City sa Cebu, hinliliit na daliri naman ang naputol kay Angelley, nang kagatin ng isa umanong kalaguyo ng kaniyang kinakasama na sumugod sa kanilang bahay.

"Sabi talaga ng babae na gagawin niya lahat para makuha lang niya ang partner ko," kuwento ni Angelley.

Hanggang sa sumugod na nga ang babae sa kanilang bahay at sinampal ang kaniyang kinakasama.

Kinuha rin nito ang ilang gamit na ibinigay umano ng babae sa lalaki.

Pero pati si Angelley, pinag-initan ng babae at hinatak palabas ng bahay. Doon na nagkapisikalan ang dalawa hanggang sa kagatin ng babae at maputol ang daliri ni Angelley.

"Hindi na talaga nakita [yung naputol na parte ng daliri]. Sabi nila baka nalunok niya raw," sabi ni Angelley.

Sinubukan ng KMJS team na kunin ang panig ng babae pero hindi siya sumagot.

Si Angelley, plano raw na hiwalayan na ang lalaki dahil sa ginawa sa kaniya.

Kung hindi na nakita at naibalik ang naputol na daliri ni Angelley, ano naman kaya ang nangyari sa naputol na parte ng maselang bahagi ng katawan ni Jovencio? Naikabit pa kaya ito ng mga duktor? Panoorin ang buong kuwento sa video ng "KMJS."--FRJ, GMA Integrated News