Sa murang edad na 19, nahaharap na sa matinding pagsubok ang isang dalaga matapos na matuklasan na mayroon siyang Stage 5 Chronic Kidney Disease (CKD) noong nakaraang Nobyembre. Pag-amin niya, mahilig siyang kumain ng instant noodles at parang ginawa na niyang tubig ang softdrinks
Sa ulat ng For You Page ng GMA Public Affairs, sinabing nalagyan na ng fistula sa leeg si Angel Mae Ombahino Gallo, mula sa Butuan City, para sa kaniyang dialysis na dalawang beses sa isang linggo.
Dahil din sa kaniyang karamdaman, napilitan nang tumigil sa pag-aaral si Angel Mae.
ALAMIN: Ano ang mga sintomas at sanhi ng Chronic Kidney Disease o CKD sa mga kabataan?
"Siyempre po malungkot, nanghihinayang po," paglalahad niya.
Pinaniniwalaan niya na may kinalaman sa pagkasira ng kaniyang kidney ang madalas niyang pagkain ng instant noodles, at labis na pag-inom ng softdrinks na parang ginawa na raw niyang tubig.
Dahil madaling lutuin ang instant noodles, ito raw ang kinakain niyang madalas sa bahay at paaralan. Sa isang araw, tatlong beses naman daw siyang uminom ng softdrinks.
"Halos ginawa ko nang tubig yung softdrinks," saad niya. "Yung noodles po, 'yon po yung madaling lutuin kaya 'yun po yung palagi kong kinakain, inuulam."
Sabi pa niya, "Pares din po 'yon ng softdrinks, pag-uwi naman galing school, sa bahay, softdrinks na naman."
Ayon kay Dr. Mark Anthony Tiu, Adult Nephrologist, may iba't ibang klase nang pagkasira ng kidney.
"May tinatawag na acute o biglaang pagkasira o temporary lang, mayroong chronic na talagang sira na siya o hindi na siya nagre-recover pa," paliwanag niya.
Sinabi pa ni Tiu na karaniwang "collateral damage" ang pagkasira ng kidney o naaapektuhan ng ibang kondisyon ng pasyente.
"Ang pagkasira ng kidney usually is collateral damge ng ibang kadahilanan. Isa na diyan ang mataas na sugar, may diabetes ka, may highblood ka. Kung hindi makontrol ang mga 'yan, puwedeng masira ang kidney natin," ayon sa duktor.
Sa isang ulat ng Pinoy MD, ipinaliwanag ni Dra. Ana Rose Dy-Vicente, Pediatric Nephrologist, Philippine Society of Nephrology, magkaiba ang pangunahing dahilan ng pagkakaroon ng problema sa kidney ng mga kabataan at mga nakatatanda.
Ang mga nakatatanda, nagkakaroon ng problema sa bato dahil sa komplikasyon ng iba pang sakit na hypertension at diabetes.
Habang sa mga kabataan, ang maaaring pangunahing dahilan ay ang pagkakaroon ng congenital anomaly sa kidney at urinary tract.
Sa parehong kaso ng mga nakatatanda at mga kabataan, ang pagkain ng mga unhealty foods at maling lifestyle ang nagpapalala sa sakit sa bato.
Samantala, kabila ng pagsubok na kaniyang kinakaharap, hindi pa rin nawawalan ng pag-asa si Angel Mae na gagaling siya.
Sa mga nais tumulong sa pagpapagamot ni Angel Mae, maaring magpadala sa:
GCASH
09203919049
SH•R•L A.
--FRJ, GMA Integrated News