Naging viral kamakailan ang video sa social media na may tila batang nalulunod sa ilog pero isa palang buwaya. Ang ilang netizens, naniniwala na sadyang nagpapanggap na batang nalulunod ang buwaya para makuha ang pansin ng tao at lumusong sa tubig nang mayroon siyang makain. Puwede nga ba itong mangyari?
Sa programang "Dami Mong Alam, Kuya Kim," sinabing ang insidente na nahuli-cam ni Lukman Arisma, ay nangyari sa Balito river sa Indonesia.
Nag-alala umano si Lukman noong una nang makita niya ang dalawang kamay na lumulutang sa ilog na inakala niyang batang nalulunod.
Ngunit nang suriin niyang mabuti, saka niya napagtanto na buwaya pala ang kaniyang nakita sa ilog.
Madalas na raw silang nakakakita ng buwaya sa naturang ilog pero unang pagkakataon daw niyang nakita na tila nagpapanggap na batang humihingi ng tulong ang buwaya.
Ngunit ayon sa animal expert na si Dr. Romulo Bernardo, hindi siya kumbinsido na estilo ng naturang buwaya sa video ang magkunwaring nalulunod para makatawag ng pansin sa tao at lumapit sa kaniya.
"Kasi hindi siya natural behavior ng buwaya," saad ni Bernardo, na sinabi pang limitado ang flexibility ng katawan ng mga buhawa kaya diretso lang kung lumangoy ang mga ito.
Kaya hindi umano kaya ng mga buwaya na kumilos na parang tao na itataas ang kamay sa tubig at kakaway na tila nalulunod.
Ang hinala ni Bernardo, maaaring mayroong nasabitan ang buwaya na nahuli-cam sa video na mukhang batang nalulunod.
"Maaaring mayroong na-tangle na line o tali, o puwedeng na-caught siya sa net na kailangan niyang mag-death roll (bumaligtad) para makawala siya," patuloy pa ng eksperto.
Posible umanong pumapalag ang kamay ng buwaya na nakita sa ibabaw ng tubig dahil gusto nitong makawala.
Ang isa pa umanong posibilidad ay mayroong malaking kagat-kagat ang buwaya at kailangan niyang mag-death roll para mapiraso ito upang makain niya.
Ayon kay Kuya Kim, mga ambush predator o sit-and-wait predator ang mga buwaya na kumukuha ng tiyempo kapag inatake ang kanilang target kaya hindi na kailangang umarte upang magpapansin sa kanilang target kainin. -- FRJ, GMA Integrated News