Maraming kalamidad umano ang mangyayari ngayong 2025, ayon sa sinasabing visionary at psychic na si Rudy Baldwin.
Sa isang episode ng cooking talk show na "Lutong Bahay," tinawag ni Baldwin na "biblical year of awakening" ang 2025.
"Ito na yung taon na karamihan ng nangyari sa bibliya mangyayari sa atin. Some miracles na mangyayari na hindi natin kayang i-explaine na mangyayari," paliwanag niya.
Ayon pa kay Baldwin, "This 2025, kumakatok na yung Diyos sa pintuan natin."
Nakikita umano ni Baldwin na mas malala ang mga kalamidad na magaganap ngayong taon.
"Ang lindol mas marami, ang krimen mas malala, ang pagtatraydor malala, sunog halos maya't maya," pahayag niya.
"Parang walang katapusan, umulan, uminit ganun. Kulang na lang yung araw hahalik sa lupa," sabi pa niya.
Nang tanungin ng guest host ng programa na si Cheska Fausto kung may nakikita siyang maganda na mangyayari sa bansa, sinabi ni Baldwin na negatibo ang laging lumalabas sa kaniyang pangitain.
Bagaman marami umano ang naghahanap ng good news, sinabi ni Baldwin na nasa mga tao na ang ang paggawa ng mabutihan para sa kanilang sarili. -- FRJ, GMA Integrated News
