Kapag may meeting sa opisina, bawal ang istorbo. Pero ang isang opisina sa Maynila, puwedeng bulabugin ng isang aso-- si "Berto." Alamin ang kaniyang mga ginagawa kung bakit napalapit siya sa puso ng mga empleyado.

Sa video ng GMA Integrated Newsfeed, makikita na nagulat ang mga empleyado nang sa gitna ng kanilang meeting ay binisita sila ni Berto habang kumakawag-kawag ang buntot.

Pero sa halip na mainis ang mga tao, natuwa sila na makita ang aso na nagsilbing pansamantalang "breaker" nila para sa napaka-busy na araw nilang iyon.

Ayon kay Lilian Maculangn, staff sa opisna, may meeting sila kaya hindi nila namalayan na nakaakyat at nakapasok sa loob ng opisina si Berto.

Clingy raw kasi si Berto na mahilig talaga sa atensiyon ng mga tao sa opisina.

"Laging gusto niya binabati siya. Gusto niya lagi siyang nilalambing, nilalaro. kkaya siguro nung walang pumapansin sa kaniya kasi sobrang busy nang araw na 'yon umakyat po nung hapon," dagdag niya.

Nagulat daw ang mga tao sa meeting nang dumating si Berto. Pero sa halip na mainis, natuwa sila.

Kuwento ni Lilian, dating asong-gala si Berto na payat, at may mga sugat. Pero nagbago ang buhay nito dahil sa malasakit ng sekyu sa opisina.

Nang makita ng sekyu na si Gilbert ang aso, sa awa niya, binigyan niya ito ng maiinom at pagkain. Mula noon, nagpapabalik-balik na si Berto sa kanilang gusali at napalapit na rin sa mga empleyado roon.

Nag-aambag na rin ang mga empleyado para sa pagkain, at iba pa niyang pangangailangan, maging sa pagpapagamot.

Ang nagbigay ng pangalang Berto sa aso, siyempre ang sekyu na unang nagpakita sa kaniya ng pagmamahal.

Super malambing at masunurin din umano si Berto. Ang mga empleyado sa opisina, inihahatid pa niya sa sakayan kapag uwian na.

"Yun ang problem namin kasi sumasama talaga siya hanggang sa makasakay na po yung tao. Tapos babalik sa naman siya sa office," sabi ni Charisma Mijares, staff sa opisina.

Dahil sa ginagawang iyon ni Berto, sinabi nina Lilian at Charisma, na nag-aalala sila sa kaligtasan ni Berto baka kasi masagasaan sa ginagawa niyang paghahatid sa mga staff ng opisina.

Kahit ang mga empleyado na nag-o-overtime, wala ring problema sa pag-uwi dahil ihahatid pa rin sila ni Berto na tila nag-o-overtime rin.

Kaya naman si Berto, hindi kataka-takang mapamahal sa mga empleyado ng opisina.

"Number one stress reliever namin siya, pagpasok sa umaga hinahanap namin siya," saad ni Charisma, na ayon pa kay Lilian, "Babatiin ka."

Ang pagmamalasakit nila kay Berto, para kay Lilian, "Mahalaga po 'yon kasi ang pagkakaalam ko po sa aso is created by God. Kaya dapat mahalin din sila kung paano ang pag-aalaga natin sa sarili natin." --FRJ, GMA Integrated News