Iniulat kamakailan ang kaawa-awang sinapit ng dalawang aso na nakitang may mga tama ng pana na nakabaon pa sa kanilang mga katawan sa Murcia, Negros Occidental. Ang mga aso, naoperahan na at patuloy na nagpapagaling. Ngunit mahuli na kaya ang pumana sa mga aso?
"Masakit po eh! Masakit na mawawalan ka ng hayop na pinalaki mo mula noong maliit pa," sabi ni Jasper dela Cruz, tagapangalaga ng ng asong iginapos at nagtamo ng limang tama ng pana na si "Tiktok," sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho."
Nakarating sa Bacolod Animal Chance and Hope Project Philippines ang sitwasyon ni Tiktok, at agad nila itong binisita at dinala sa beterinaryo sa Bacolod City.
Himalang nakaligtas si Tiktok, kaya nabunutan ng tinik si Jasper na labis na nag-alala sa kaniyang alaga.
"Mahal na mahal po, dahil palagi kaming magkasama. Kaya itinuturing ko na siyang kapatid. Mula pagkabata niya ako ang nagpalaki sa kaniya at ako ang nagpapakain," sabi ni Jasper.
"Pangalawang buhay na niya 'yan. Noong una ay nabali ang buto niya. 'Tok, sana bumalik ka na rito kasi miss na miss ka na namin. Magpagaling ka na riyan kasi kung magaling ka na, makakauwi ka na rito," mensahe ni Jasper sa kaniyang alaga.
Samantala, si Anabelle Locsin, may-ari sa asong si "Bulldog" na pinana sa kaliwang binti, ipina-blotter na sa barangay ang insidente.
Hindi gaya ni Tiktok, mas madali ang naging pagtanggal sa isang pana na nakabaon sa hita ni Bulldog. Kaya naman kaagad din siyang nakabalik sa kaniyang amo.
Nagsagawa na ng imbestigasyon ang Criminal Investigation and Detection Group ng Bacolod City sa insidente. Pinasok nila ang manukan kung saan namataang na-trap ang asong si Tiktok.
Habang naglilibot, may natuklasan silang isang trap na gawa sa lubid. Dahil dito, kinausap nila ang tatlong caretaker na kanilang naabutan. Ngunit mariin nilang itinanggi na may kinalaman sila sa nangyari kina Tiktok at Bulldog.
"Nagulat nga kami, na kami ang sinisisi. Kung kami ang gagawa niyan, maririnig nilang malapit lang sa kanilang bahay," sabi ni "Ramon," hindi niya tunay na pangalan.
"Mayroon na rin po tayong person of interest. Magkakalap pa po kami ng karagdagang ebidensiya po" sabi naman ni Juner Ledesma Obsequio, assistant investigator ng CIDG - NOPPO.
Ngunit ayon kay Police Major Sherwin Fernandez, Chief of Police ng Murcia Police Station, wala pang person of interest hinggil kay Bulldog.
Nanawagan ang pulisya sa mga awtoridad na huwag mag-atubiling lumapit sa kanila kung mayroon silang impormasyon kaugnay ng pananakit sa mga aso.
Nagpaalala naman ang Philippine Animal Welfare Society (PAWS) na mahigpit na ipinagbabawal sa batas ang pang-aabuso sa mga hayop.
Matatandaang isang Koreano ang naparusahan ng maximum na dalawang taong pagkakakulong at multang P200,000 sa pagpatay sa Aspin na si Erika.
"Ang mga tao na malupit sa hayop, later on nag-e-escalate sila na magiging malupit din sa fellow human beings. So if we want to have a peaceful society talagang very important that we care about animal cruelty and punishing it," sabi ni Atty. Anna Cabrera, Executive Director ng PAWS.
Ayon naman kay Atty. Mariel Patricia Rodriguez, general practice lawyer, maaaring makasuhan ang sinomang nang-aabuso sa mga hayop ng paglabag sa Animal Welfare Act of 1998 na tatlong taong pagkakakulong at multa na P250,000.
Gayunman, hindi ito fixed dahil may mga degree kung gaano kalala ang nagawa ng tao sa hayop.
Tunghayan sa KMJS ang madamdaming pagbisita ng fur dad na si Jasper sa kaniyang alaga na si Tiktok na patuloy pa rin nagpapagaling sa klinika. Panoorin. -- FRJ, GMA Integrated News
