Hindi lang masarap na sangkap sa ulam at paggawa ng tinapay ang “wonder” gulay na malunggay, dahil maaari din itong gawing tsaa na posibleng makatulong upang gawing panlaban sa ilang karamdaman. Gaano kaya ito katotoo?
Sa nakaraang episode ng “Pinoy MD,” ipinakilala ang 35-anyos na si Vivian Maximo, na ginagawang tea o tsaa ang malunggay sa paniniwalaan niyang mabisang gamot sa ilang karamdaman, at pagkawala ng bukol sa kaniyang dibdib.
Kuwento ni Maximo, 2018 nang may makapa siya na tila bukol sa kaniyang dibdib na kasing laki ng holen.
Dahil takot magka-cancer, nag-search si Maximo sa online ng pangontra rito. Dito niya nakita ang tungkol sa malunggay na pinapakuluan upang gawing malunggay tea.
“Sabi po kasi sa napanood ko ay mabisa daw pong gamot sa mga bukol ang malunggay. At ‘yun po inupisahan ko rin, mabisa raw pong gamot sa mga cancer, sa mga skin disease. Kaya po, tinry ko rin po,” sabi ni Maximo.
Ayon sa lifestyle medicine expert na si Dr. Mabel Tuesday Capistrano, may benepisyong pangkalusugan talagang taglay ang malunggay.
“Ang malunggay or ang moringa oleifera na nagsimula po sa India ay for so many years, alam na alam po nila na ito ay maraming medicinal properties. Hindi lang po siya ginagamit bilang pagkain, pero ito ay mas nakilala po dahil nga sa mga health benefits. So punong-punong po siya ng antioxidants, phytochemicals, ng vitamins, minerals,” sabi ni Capistrano.
“‘Yung antioxidants, ito po ay parang scavengers, tinatanggal po niya ang mga free radicals na nagko-cause po ng inflammation sa ating katawan, anti-inflammatory. So ang inflammation po, ito ay known na nagko-cause ng mga cancer, diabetes, even obesity, malnutrition,” dagdag ni Capistrano.
Ayon kay Maximo, matapos ang ilang buwan na tuloy-tuloy na pag-inom nito ng malunggay tea, unti-unti raw nalusaw ang bukol na kinatatakutan niya na baka maging sanhi ng cancer.
“Hindi na siya kumikirot, wala na rin po ‘yung kapag kinakapa ko, wala na din po ‘yung bukol. Ayan po, tinuloy-tuloy ko lang po ‘yung pag-inom,” sabi ni Maximo.
Bukod dito, madalang na rin umano siyang sumpungin ng pananakit ng ulo o migraine.
Inamin naman ni Maximo na hindi na siya nakapagpa-check up magmula noong umiinom siya ng malunggay kaya hindi siya nakatitiyak kung tuluyan na talagang nawala ang nakapa niyang bukol.
Ayon kay Dr. Capistrano, maaaring makatulong ang malunggay tea laban sa mga karamdaman o bukol.
“Hindi pa po natin masabi categorically na nakakagamot, pero ito po ay maaaring makatulong. Since ang mga bukol, again, this is siyempre may component po ng inflammation. And since powerful antioxidants na meron ang malunggay, so maaari po talaga siyang makatulong,” paliwanag niya.
Gayunman, hindi pa inirerekomenda ng Philippine Institute of Traditional and Alternative Healthcare o PITAHC ang malunggay bilang halamang gamot.
“As of now, hindi pa po kasama ang malunggay doon sa accredited po ng PITAHC. So very famous na po ang kaniyang supposedly medicinal benefits. So kailangan pa po kasi ng further trials, clinical studies, research para po ito ay mapatunayan,” sabi ni Dr. Capistrano.
Payo ni Dr. Capistrano, mas mainam pa ring magpakonsulta sa mga eksperto, lalo sa mga kondisyon o sakit na may kaugnayan sa bukol o mass sa katawan. -- FRJ, GMA Integrated News