Maraming ang humahanga sa kagandahan ni Janine Daiz Palasi, at hangarin niyang pumasok na maging pulis. Pero dahil sa isang aksidenteng nag-ugat sa gulong na nalaglag mula sa isang truck, napinsala ang kaniyang mukha.

Sa For You Page ng GMA Public Affairs, sinabing nakatatanggap ng positibong kantiyawan noon si Janine dahil sinasabihan siya na hindi lahat ng maganda ay nag-aartista kundi nagpupulis din.

Ngunit dahil sa isang aksidente na naging sanhi ng pagkadurog ang mga buto niya sa mukha, nagkaroon ng pagbabago sa kaniyang hitsura.

"So 'yung nangyaring aksidente na iyon, galing kami sa La Trinidad, nagde-deliver kami ng tinapa. 'Yung mga kasunod namin na truck noon, may nahulog siguro na gulong, 10-wheeler. Madilim sa part na 'yon, mahina 'yung light ng gamit naming sasakyan. Tumalbog po 'yung sasakyan na gamit namin, tumama sa poste. And then after that nahulog po kami sa maisan," kuwento ni Janine.

"Noong tumalbog ang sasakyan, nauntog siguro ako. Nawalan ako ng malay," ayon pa sa kaniya.

Matapos ang aksidente, nabasag at nadurog ang ilang bahagi ng bungo ni Janine. Pati ang matangos niyang ilong, nabali.

"After ng x-ray and CT-scan na ginawa ng doctors, nakita nila na grabe po pala 'yung fracture sa mukha ko. Bali po rito (bandang panga), dito (kaniyang nose bridge). 'Yung ilong ko na matangos noon, flat nose na ngayon," aniya.

Ipinakita ni Janine sa GMA Public Affairs ang kaniyang mga tinamong pinasala sa mukha.

"Ito po 'yung scars ko. 'Yung mata ko medyo lumiit, pati rito (kanang mata) bumaba at ito may bukol. Kailangan nilang buksan 'yung ulo ko rito, kailangan nilang ibaba para ma-fix nila 'yung mga basag-basag na buto ko sa buong mukha," matapang pagbahagi ni Janine sa kaniyang pinagdaanan.

Araw-araw, nakararamdam si Janine ng kalbaryo sa tuwing humaharap siya sa salamin. Bukod sa naaalala niya ang trauma ng aksidente, nawawalan din siya ng kumpiyansa noon sa sarili.

"Hirap po silang ayusin ang face ko dahil basag-basag na po. Almost a year po pala para maka-recover. Sa ngayon po okay-okay na ang face ko although minsan namamanhid, 'yung mata ko medyo hindi makakita nang maayos. Minsan hindi rin makabuka nang maayos ang bibig. 'Yung ears ko hindi rin nakaririnig nang maayos," pahayag pa niya.

Sa kabila nito, araw-araw pa rin ang paglaban ni Janine sa buhay.

Para sa kaniya, ang mukha niya lang ang nasira, ngunit buong-buo pa rin ang kaniyang pag-asa na muling maayos ang kaniyang buhay.

"As days go by naman po, unti-unti na siyang umu-okay. Lalo na 'yung face ko, after a year, okay-okay na po, gumaganda na ulit," masaya niyang pahayag.

Sinubukan daw nina Janine na tuntunin ang driver ng truck na pinagmulan ng gulong ngunit nabigo silang mahanap ito.

"Dapat lagi po tayong nag-iingat. Sa akin po, na 'yung nakahulog ng gulong, siguro hindi nila na-secure nang maayos 'yung gulong kaya nahulog, so ako 'yung natamaan, ako 'yung kawawa," mensahe ni Janine sa mga nagmamaneho.

Kung may napatunayan man si Janine sa kaniyang pangalawang buhay, ano man ang kaniyang hitsura, para sa kaniyang mister, siya pa rin ang pinakamaganda.

"Nagpapasalamat ako sa family ko kasi never nila akong iniwan noong time na iyon. 'Yung husband ko, ang laki ng pagbabagong nangyari sa akin," sabi niya. -- FRJ, GMA Integrated News