Sa bagong kumpuning tulay ng Jones Bridge sa Binondo, Maynila, makikita ang apat na malalaking rebulto na tila nagbabantay sa paanan ng tulay na tinatawag na La Madre Filipina. Ano nga ba ang kuwento sa likod nito?Sa nakaraang episode ng I Juander, sinabing ipinangalan ang Jones Bridge kay William Atkinson Jones, isang kongresistang Amerikano na may akda ng 1916 Jones Law o Philippine Autonomy Act of 1916 na siyang nabigay sa mga Pilipino ng mas malawak na kapangyarihang mamahala sa sariling bansa.Paliwanag ng National Historical Commission of the Philippines, ang rebultong La Madre Pilipina ay mga imahe ng isang ina na sumisimbolo ng demokrasya, katarungan, pagpapasalamat at progreso.Sa kasamang palad, isa sa apat na rebulto ang nawasak nang bombahin ang Jones Bridge noong World War II. Ang tatlong iba pa, nagkahiwa-hiwalay.Isa sa mga rebulto ang binigyan ng espesyal na puwesto sa Luneta. Samantalang ang dalawa pang rebulto, napunta naman kinalaunan sa entrada ng gusali ng Court of Appeals.Taong 2019 nang inanunsyo ng lokal na pamahalaan ng Maynila na ibabalik nila ang dating ganda at rangya ng Jones Bridge. Kasama sa plano na ibalik din sa puwesto ang natitirang tatlo sa apat na La Madre Pilipina.Nakuha ang rebulto na nasa Rizal Park pero ang dalawang nasa Court of Appeals, nagkaproblema.Nang suriing mabuti ang mga rebulto sa CA, lumitaw na delikado na kung ililipat pa ang mga ito at maaapektuhan ang structural integrity ng gusali.Kaya naman sa halip na ilipat, ginawan na lamang ng replika ang dalawang rebulto, maging ang nawasak na isa pa noong digmaan.“Sa apat na mga rebulto, isa lamang ang naibalik na original dito sa tulay na ito [ng Jones Bridge] at iyon ay yung La Madre ng gratitude na dating nasa Rizal Park,” sabi ni Miguel Antonio Jimenez, History Researcher II ng NHCP.-- FRJ, GMA Integrated News