Emosyonal at masaya si Lola Norma nang mahanap sa cabinet ang itinatago niyang mga love letter sa kaniya ng mister na si Lolo Dan, na namayapa noong nakaraang taon. Ang mga sulat, nagpapaalala kung gaano siya kamahal ng kaniyang kabiyak na biglaan ang pagpanaw.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing 2024 nang pumanaw si Lolo Dan Barretto dahil sa sakit sa ospital.
"Parang hindi [okay] 'yung paghihiwalay namin nu'ng magkasakit siya. Ang paalam kasi niya sa'kin, magpapagamot lang siya, checkup. Hintayin mo ako at babalik agad ako," kuwento ni Lola Norma tungkol sa sinabi sa kaniya ng asawa.
Sa kasamaang palad, hindi na nakauwi nang buhay si Lolo Dan matapos ma-confine sa ospital at doon na rin binawian ng buhay.
Pero kahit papaano ay naibsan ang pait nang bigla nilang paghihiwalay nang makita sa cabinet ang mga sulat ni Lolo Dan noon para kay Lola Norma.
"Nag-aayos po siya somewhere roon sa cabinet nila. Tapos may nakita po ako na naka-plastic. Tapos sabi ko kay Lola, 'La, ano ba 'to parang ang dilaw na?' Bakit kako hindi niya pa tinatapon. Akala ko kasi baka mga resibo lang," kuwento ni Mariah Angeline Barretto, apo ni Lola Norma.
Ngunit ang nakita pala ni Mariah ay isa sa pinakaiingatan ni Lola Norma na mga sulat na tila punit na ang iba.
"Mahalaga sa akin 'yung mga sulat na 'yon dahil basta nakita ko 'yung sulat na 'yon, bumabalik 'yung nakaraan," ani Lola Norma.
"'Yung mga salitang, 'Minahal kita, iniibig kita, ikaw lang ang babae sa buhay ko.' Para ba siyang nasa tabi ko. Sinasabi niya sa akin 'yung mga nakalagay sa sulat," sabi ni Lola Norma.
Mula pa noong 1961 ang pinakaunang sulat umano na naitabi ni Lola Norma.
Kaya naman ang love letters sa kaniya ni Lolo Dan, 64 taon na niyang iniingatan.
"'Pag may mga bagyo na, baha, itinataas ko na siya sa hindi siya mababasa," anang lola.
Sa makabagong panahon, naniniwala si Lola Norma na love letters pa rin ang maganda.
"Gusto ko sulat. Ang sulat kasi, mayroon ka talagang babalikan eh, masarap magbasa," sabi ni Lola Norma.
Kahit namaalam na si Lolo Dan, nananatiling buhay ang pagmamahal niya kay Lola Norma dahil sa mga sulat na naging saksi ng kanilang love story.
Habambuhay na magiging tanda ng kanilang wagas na pagmamahalan ang naturang mga sulat.
"'Tay, I love you. Hanggang ngayon mahal na mahal pa rin kita kahit wala ka na. Talagang siya lang, siya ang first at huling pag-ibig ko talaga,'" mensahe ni Lola Norma para kay Lolo Dan. -- FRJ, GMA Integrated News
