Umabot na sa 28 taon at nasa ika-apat na henerasyon na ng pamilya ang inaalagaan ni Romana Manco, na mas kilala sa tawag na "Yaya Maning." Kaya naman ang miyembro ng pamilya na kaniyang inaalagaan, parang pamilya na rin ang turing sa kaniya.
Sa programang "Good News," sinabing nag-viral ang combo messages ni Yaya Maning, 51-anyos, at ng isa sa kaniyang mga alaga dahil sa sweet niyang mga mensahe.
Ayon kay Kathryn Sienna Tan Sy, isa sa mga alaga ni Yaya Maning noong bata pa, present ang kaniyang Yaya Maning lahat ng milestones niya sa buhay.
Mula sa mahirap na pamilya si Yaya Maning. Kaya naman sa edad na 12, tumutulong na siya sa pagsasaka o pagtatanim ng mga magulang.
Dahil dito, tatlong beses lang daw siya sa isang linggo kung makapasok noon sa eskuwelahan dahil kailangan niyang tumulong sa pagtatanim para mayroon silang makain.
Nang maging 18-anyos si Yaya Maning, namasukan siyang kasambahay sa pamilya Tan nang malaman niya mula sa kaniyang pinsan na naghahanap ang mga ito ng kasambahay.
Pero isang taon lang matapos magtrabaho sa pamilya Tan, nagkaroon ng pamilya si Yaya Maning kaya kinailangan niyang umalis.
Pagkaraan ng tatlong taon matapos manganak sa kaniyang panganay, bumalik si Yaya Maning sa paninilbihan sa pamilya Tan, at tinanggap siyang muli.
Mula sa lola ng pamilya Tan, naipasa si Yaya Maning sa anak nitong babae. Dito na niya inalagaan ang naging apat nitong anak-- kabilang ang bunsong si Kathryn.
Ayon kay Yaya Maning, siya ang naghahanda ng baon, pinapaliguan, pinapakain at inaayusan noong mga bata pa ang kaniyang mga alaga.
Ang pagsisikap ni Yaya Maning sa pagtatrabaho ay ginagawa niya para matustusan ang pangangailangan at pag-aaral ng kaniyang mga anak -- na apat din -- na nasa probinsiya.
"Hindi baleng malayo ako sa kanila. Ang sakripisyo ko para sa aking mga anak ay ang pagtatrabaho ko para makapag-aral sila," saad ni Yaya Maning.
Kapag nangulila siya sa mga anak, nagpapaalam naman siya sa kaniyang mga amo na uuwi at pinapayagan naman siya.
Malayo man sa sarili niyang pamilya, hindi naman siya itinuring na iba ng pamilyang kaniyang pinaglilingkuran.
Ayon kay Kathryn, bukod sa pag-aalaga sa kanila, si Yaya Maning din ang takbuhan nila kapag nalulungkot sila o at handa itong makinig sa kanila.
"We treated her talaga as second mom. Parang kami na yung apat na mga bata niya," sabi ni Kathryn.
Kahit nang ma-engaged si Kathryn, hindi nawala sa naturang bahagi ng kaniyang buhay ang kaniyang Yaya Maning, hanggang sa nag-asawa na siya, at magkaanak.
Nataon pa na ka-birthday niya ang anak nito.
"Pareho kami ng birthday ng anak niya. Sobrang saya ko kasi may kasabay ako," ani Yaya Maning.
Ngayon, limang-buwang-gulang ang pinakabata sa pamilya na susubaybayan niya ang paglaki.
At patuloy daw na magsisilbi si Yaya Maning sa pamilya hanggang kaya ng kaniyang katawan.-- FRJ, GMA Integrated News
