Sa payak niyang trabaho bilang isang construction worker, itinaguyod ng isang ama ang kaniyang pamilya para hindi magutom at matugunan ang kanilang mga pangangailangan. Kaya nang sumakses ang mga anak, bumawi namang ang mga ito at binigyan ng magandang buhay ang kanilang padre de pamilya.

Sa nakaraang episode ng “Good News,” inihayag ni Tatay Oscar Villapaña, may tatlong anak, na kahit hindi siya nakapag-aral, binigyan naman siya ng Panginoon ng magandang kamay na marunong sa magtrabaho.

Pero dahil hindi regular ang trabaho, gumagawa rin si tatay Oscar ng bamboo set sa gabi dahil isa rin siyang karpintero.

Katuwang naman niya sa pagkayod ng pamilya ang kaniyang misis na si Zenaida, na suma-sideline bilang mananahi. Sa kabila nito, hindi pa rin sumasapat ang kanilang kita.

“Nahihirapan kami sa buhay. As in, to the point na 'yung cup noodles, kailangan madaming sabaw. Naranasan namin bumili ng itlog na hindi buo, kailangan basag kasi mas mura,” sabi ni Sesnanda Villapaña, panganay na anak ni Tatay Oscar.

“Halos sa araw-araw, ‘di namin alam kung saan namin kukunin 'yung ulam namin,” sabi naman ni Ryan Villapaña, pangalawang anak ni Tatay Oscar.

Sa kabila ng hirap, hindi naman hinayaan ni Tatay Oscar na magutom ang kaniyang pamilya.

“Never niya kaming ginutom. Never niya kaming inutusan mangutang sa tindahan. Never niya kaming inutusan manghihingi ng pagkain. Ang ginagawa ng tatay namin, as long as na kaya niya, siya'y naghahanap ng pagkain para sa amin,” sabi ni Sesnanda.

Kaya naman nagtulungan ang pamilya Villapaña para makaraos sa buhay.

Minana ni Ryan ang trabahong pagko-construction na natutunan niya mula kay Tatay Oscar. Si Ses naman, naging isang casino dealer at nagtayo ng iba't ibang negosyo sa Pampanga nang makaipon.

Tinulungan din ni Ses ang mga kapatid sa mga pangangailangan nilang pinansyal. Nakapagtapos naman ng pag-aaral si Macy at nagkaroon ng sariling clothing business.

“Kumakain na kami ng shrimp. Nakakapag-cake na kami kahit hindi birthday. ‘Yun 'yung first time namin kasi never kami nag-birthday na meron kaming cake,” kuwento ni Ses.

“Ang kagandahan naman sa amin kahit walang handa, walang cake, gini-greet kami ng mga magulang namin, naaalala nila,” sabi ni Macy Villapaña, bunsong anak ni Tatay Oscar.

Unti-unti nang nakakabangon mula sa kahirapan ang pamilya nang dumating sa kanila ang bagong pagsubok nang magkasakit ng cancer si Nanay Zenaida at pumanaw noong 2011.

Dahil sa kanilang pinagdaanan, nangako ang magkakapatid kay Nanay Zenaida na aalagaan nilang mabuti si Tatay Oscar. Kaya nagsumikap pa lalo ang magkakapatid sa pagtatrabaho at nagtayo ng iba’t ibang negosyo.

Ngayon, paikot-ikot at nagtatanim na lang si Tatay Oscar sa dalawang ektaryang farm ni Ses.

Ibinibigay din ni Ses ang bagong gawa niyang bahay kay Tatay Oscar, ngunit mas pinili ng kaniyang ama ang simpleng buhay at manirahan sa modernong kubo na personal pa niyang ginawa.

“It's not our responsibility na buhayin ang ating magulang, but it's in our blood to love them. They are part of our life. Sa kanila tayo nanggaling. So we have to give back also,” sabi ni Ses.

Tunghayan sa Good News ang bonding ng pamilya Villapaña na pagdalaw sa puntod ng kanilang ilaw ng tahanan na si Nanay Zenaida, at ang madamdamin nilang mensahe rito. Panoorin. -- FRJ, GMA Integrated News