Hinangaan ng netizens ang isang paslit na dalawang-taong-gulang dahil sa ginawa niyang "pagsagip" sa kaniyang ama na halos hindi na magising at makakilos dahil sa medical condition nito na "hypoglycemia."Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, ipinakilala si Baby Zab, anak ni Daddy Ymmanuel Demegillo, na may medical condition na hypoglycemia o kritikal na pagbaba ng sugar level.Nagsisilbing buena manong paglalambing ni Baby Zab sa kaniyang mga magulang ang manggising tuwing umaga.Hanggang sa isang araw, natakot si Baby Zab nang hindi agad magising ang kaniyang ama na nasa kama."It was early morning, and 'yung wife ko left for work na. Zab, for some reason, woke up. 'Pag nauna siyang magising, gigisingin niya kami. Unfortunately, 'di ako nagre-respond sa kaniya," kuwento ni Daddy Ymmanuel.Noong sandaling iyon, nakararanas na pala ng hypoglycemia o kritikal na pagbaba ng sugar level si Daddy Ymmanuel na mayroong Type 1 Diabetes."I am a Type 1 Diabetic and super sakto ng timing niya because at that point, my blood sugar level was very low. I couldn't really move, and the only thing I could do was to say 'I'm hypo,'" kuwento ni Ymmanuel.Sa video, mapanonood na tumatawag si Zab ng "Daddy!", ngunit "I'm hypo" lamang ang tanging maisagot ni Ymmanuel.Pagkarinig ni Zab sa sinabi ng ama, agad siyang lumabas ng kuwarto, kumuha ng glucose tablets saka patakbo na bumalik. Binuksan ni Zab ang isa sa mga tableta at isinubo ito sa kaniyang ama.Hindi umalis si Zab sa tabi ng kaniyang ama hangga't hindi ito rumeresponde sa kaniya."We always tell her na 'Daddy is diabetic and goes hypo sometimes.' So we showed her where the glucose tablets are placed and what to do in case daddy goes hypo. Hindi talaga kami nag-expect anything out of it, but we are so glad na she remembered and she had the presence of mind para maalala 'yung dapat gawin," sabi ni Ymmanuel, na issang Anesthetic Nurse.Kahit sanggol pa lamang, tila kaya na rin ni Baby Zab na maging isang little nurse, dahil alam na niya ang nararapat gawin kung emergency."When daddy's hypo, you give chocolates and sweets," sabi ni Baby Zab.Payo ni Daddy Ymmanuel sa ibang magulang, turuan at sanayin ang mga bata pagdating sa emergency situations.Bukod dito, maging mindful din sa mga kilos sa harap ng mga bata at tiyakin ang kasabihang "practice what you preach," bilang nakatatanda."Children are always watching and always learning - [they] absorb far more from their environment than we often realize. Nag-o-observe sila not just in what we say, but especially in what we do, for parents, reminder 'to na we should lead by example," sabi ni Ymmanuel."Be the person you want your child to become, because your example is the most influential teacher they have," dagdag pa niya. -- FRJ, GMA Integrated News