Viral ang isang lolo sa Panabo, Davao del Norte na tila na-nosebleed nang mapasabak sa Inglesan habang pinapayuhan ang kaniyang apo na fluent sa Ingles na maging "strong" nang umuwi itong umiiyak."Dapat you know how to maneuver your bike... You know how to... What do you call this? You know how to... Anong tawag du'n?" sabi ni Lolo Ben Marces Jr. sa kaniyang apong si Flynn.Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing natumba sa bike si Flynn kaya ito umuwing umiiyak."Build up yourself! Yooouuuu... Show to them you are strong!" payo ni Lolo Ben, na nakipag-apir sa apo matapos ang kanilang madibdibang usapan.Ayon kay Mommy Jass, ina ni Flynn, ganoon talagang mag-usap ang maglolo.Nakaiintindi at nakapagsasalita ng Bisaya si Flynn ngunit fluent din sa English, gaya ng maraming bata ngayon.Gayunman, hindi inaatrasan ni Lolo Ben ang challenge sa pagkausap sa apo sa wikang Ingles."Bike there. Show yourself you are strong," payo ni Tatay Ben kay Flynn."You put this in mind, always put this in mind. You are not a baby anymore. You're a big boy, so be a boy," pangaral ni Lolo Ben sa apo.Laging natutuwa sa maglolo si Mommy Jass kaya minabuti niyang i-video ang usapan ng dalawa."Actually 'yung video, stolen shot lang kaya hindi ko alam na nagvi-video pala ang anak kong si Jass. Hindi ko in-expect na mag-viral ang video," sabi ni Tatay Ben.Hiling naman ng mga naaliw na netizen, sana ay mag-vlog ang mag-lolo, dahil marami ang nakaka-relate sa kanila dahil marami ang napapakamot ng ulo sa mga batang mahilig na mag-Ingles ngayon.Agree naman si Mommy Jass sa payo ng iba pang mga magulang na dapat masanay din sa lokal na lengguwahe ang mga bata. — FRJ, GMA Integrated News