Muling inihain ni Senador Panfilo "Ping" Lacson ang panukalang batas na magpapataw ng parusa sa mga anak na hindi susuportahan o magpapabaya sa kanilang mga magulang kapag matanda na, nagkasakit, at naging baldado.

Sa Senate Bill No. 396 o Parents Welfare Act of 2025, binigyang-diin ni Lacson na ang pag-aalaga sa mga nakatatandang miyembro ng lipunan ay isang pananagutang pinagsasaluhan ng mga anak at ng pamahalaan.

“This proposed bill therefore seeks to further strengthen filial responsibility and to make it a criminal offense in case of flagrant violation thereof. Abandonment of a parent in need of support shall likewise constitute a criminal act,” ayon sa nagbabalik na senador.

Sa ilalim ng panukalang batas, ang mga magulang na nangangailangan ng suporta at hindi kayang tustusan ang kanilang sarili mula sa sariling kita o ari-arian, o naging baldado na o walang kakayahang suportahan ang sarili, ay dapat bigyan ng suporta ng kanilang mga anak.

Kung higit sa isa ang anak ang magulang, ang suportang ibibigay ay hahatiin sa kanila ayon sa kanilang kakayahang pinansyal o yaman, at sa paraang makatarungan at patas.

Magkakaroon din ng pananagutan ang mga apo na suportahan ang kanilang mga nakatatanda kung hindi kayang gampanan ng kanilang mga magulang ang tungkulin dahil sa pagkamatay, karamdaman, o kawalan ng kakayahang alagaan ang sarili dahil sa pisikal o mental na kapansanan o kondisyon.

Ang mga anak ay may pagpipilian na tuparin ang obligasyon sa kanilang mga magulang sa pamamagitan ng pagbabayad ng suportang itinakda ng isang “support order” o alagaan ang mga magulang sa kanilang tahanan.

Maaaring isampa ang petisyon para sa suporta sa Regional Trial Court na may hurisdiksyon sa lugar ng paninirahan ng nagsasampa ng kaso.

Ang legal na representasyon para sa magulang na nangangailangan ng suporta ay ibibigay ng Public Attorney's Office at walang dapat bayaran sa korte.

Bago dinggin ang petisyon, dapat munang ipaubaya ng korte ang usapin sa isang tagapamagitan para sa mediation, upang mapanatili ang pagkakaisa at kapayapaan sa pamilya.

Kapag hindi sumunod ang mga anak na inatasang magbigay ng suporta nang walang sapat na dahilan, maaaring maglabas ang korte ng warrant upang kunin ang halagang dapat bayaran para sa bawat paglabag sa utos.

Kapag nabigong magbigay ng suporta ang respondent sa loob ng tatlong sunod-sunod na buwan nang walang makatarungang dahilan, maaaring makulong ang anak ng isa hanggang anim na buwan o magmulta ng P100,000.

Bukod dito, ang sinumang may responsibilidad na alagaan o tulungan ang magulang na nangangailangan ng suporta at nagpabaya, maaari silang makulong ng anim hanggang sampung taon at pagmumultahin ng P300,000.— mula sa ulat ni Giselle Ombay/FRJ, GMA Integrated News