Viral ang isang nagtitinda ng kaldereta sa Quiapo dahil bukod sa ipinapakita niya kung paano lutuin, sangkaterba rin ang inilalagay niyang sili. Kaya naman kahit niluluto pa lang niya ang kaniyang paninda, marami na ang nakapila.

Sa nakaraang episode ng “Pera Paraan,” itinampok ang spicy kaldereta ni Cris Angel Samaniego, na mas kilala ngayon online bilang si Anghelita.

Gamit niya sa kaniyang spicy kaldereta ang spare ribs ng baboy, na pinakukuluan niya ng isang oras bago timplahan ng mga pampalasa. Nilalagyan niya rin ito ng keso para mas maging malasa.

Nilalagyan niya ng giniling na siling labuyo ang kaldereta at konting kulo pa, ready to serve na.

Pitong taon nang nagtitinda ng pagkain sa Quiapo si Anghelita, ngunit Pebrero nitong taon lang niya unang ipinatikim ang spicy kaldereta sa kaniyang mga customer.

Sa isang araw, nakapagluluto sila ng 25 kilos ng baboy, at kumikita siya ng P20,000 hanggang P30,000 sa isang buwan, na higit pa kung minsan.

Isang food vlogger ang nakapansin sa spicy kaldereta ni Anghelita noong nakaraang buwan at itinampok ito sa vlog. Makaraan lamang ang ilang araw, lalong dumami ang kaniyang customers.

Ngayon, umaabot na ng 150 kilos ng spare ribs ang kanilang nauubos sa isang araw. Apat hanggang limang beses silang nagluluto ng spicy caldereta mula 2 p.m. hanggang 12 a.m.

Nagkakahalaga ang spicy kaldereta ni Anghelita ng P100 kada order. Maaari ding pumili ang mga customer kung may kasamang kanin o kung ala carte na mas marami nang kaunti ang serving.

Dahil sa kaniyang negosyo, nabigyan din ni Anghelita ng hanapbuhay ang kaniyang mga kapitbahay. Mayroon na siyang staff na tagaluto ng kanin, tagakuha ng order at bayad, tagatakal ng order, taga-serve, at mga runner o utusan.

“Sa mga gustong mag-food business, huwag kayong mawalan ng tiwala. Nandiyan si God, kaya nga dito tayo nakatapat, on the spot sa Kaniya, para lagi Niya tayo nakikita kung ano 'yung mas mabuti natin laging ginagawa sa ating kapwa. Magtiwala lang tayo sa Panginoon. Tuloy-tuloy lang, laban lang sa buhay,” mensahe ni Anghelita sa mga nais ding magnegosyo ng pagkain. – FRJ, GMA Integrated News