Kahit maliit, malaman at malinamnam daw ang cute na isdang hugis-kahon na “boxfish” o kaban-kaban. Kaya naman paborito itong papakin ng ilan, kabilang ang isang pamilya sa Palawan. Pero ligtas kayang kainin at naturang uri ng isda? Alamin.

Sa nakaraang episode ng “I Juander,” ipinakilala si Yolmar Buncag, na mula sa pamilya ng mga mangingisda na nanghuhuli at kumakain ng mga isdang kaban-kaban.

Bata pa lamang si Buncag, sinasama na raw siya ng ama para mangisda. Kahit nakapagtapos ng pag-aaral, pinili pa rin niyang balikan ang dagat.

“Graduate po ako ng Computer Technician at Basic Electronics. Tapos na-realize ko, parang gusto ng katawan ko talaga ng dagat, umuwi ako sa amin. Siyempre, lalo na, gusto mo rin talaga makasama rin ang pamilya mo,” sabi ni Buncag.

May dalawang klase ng paghuli sa kaban-kaban – pagpana at pagdukot dito mula sa butas ng mga bato gamit ang kamay.

Madali lang itong mabingwit o mapana, ngunit bihira itong lumabas kapag maganda ang panahon at malinaw ang dagat.

Pinakamasarap na luto ng kaban-kaban ang sinugba o inihaw, at maaari din itong ipaksiw.

Gayunman, paalala ng eksperto, may parte ng naturang isda ang hindi maaaring kainin.


“Meron po kasi siyang toxin. Maraari pong 'yung toxin ay nasa balat po niya at saka nasa internal organs po niya. So hindi po siya puwedeng basta-basta kainin lamang,” sabi ni Lois Anne Manansala, isang registered nutritionist-dietitian.

Maaari naman daw kainin ang naturang isda basta may tamang preparasyon.

“Kung mali po 'yung pagprepera niya o mali po 'yung luto niya, ay maaari po siyang makasama sa atin, maaari pong magdulot ng sakit o ng karamdaman. Pero ganu’n pa naman po, maaari naman po siyang kainin,” sabi pa ni Manansala. – FRJ GMA Integrated News