Nagtayo ng mga flood control project ang Department of Public Works and Highway (DPWH) na ginastusan ng daang milyong piso sa iba’t ibang bahagi ng bansa para protektahan ang mga tao at komunidad laban sa baha. Ngunit ang ilan sa kanila, nasira kahit ilang buwan o higit isang taon pa lang natatapos.
Sa ulat ng Reporte’s Notebook, ipinakita ang 100 metrong haba ng slope protection o retaining wall na itinayo sa gilid ng ilog sa bahagi ng Arayat, Pampanga.
Ang ginastos sa pagpapatayo ng naturang flood control project, mahigit P91 milyon.
Ngunit wala pa umanong isang taon matapos magawa ang proyekto, bumigay na ang bahagi nito.
Bukod sa nabigo ang proyekto na protektahan ang komunidad mula sa baha, nabungkal na rin ang lupa rito na dahilan para magdulot ng peligro sa mga residenteng nakatira malapit sa ilog.
Bakit nga ba bumigay kaagad ang naturang proyekto? Tunghayan ang mga paliwanag ng kinauukulang opisyal sa report na ito ng “Reporter’s Notebook,” na tinutukan din ang iba pang flood control projects ng DPWH, tulad sa Licab, Nueva Ecija, na mistulang tinangay ng malakas na agos ng tubig ang pondong inilaan mga ito. Panoorin ang video. – FRJ GMA Integrated News
