Nalagay sa alanganin ang buhay ng ilang kababaihan matapos silang ma-diagnose na mga may cancer. Ngunit ang kanilang mga katawan, gumaling at lumakas sa tulong umano ng masustansiya at “superfood” na malunggay. Gaano nga ba katotoo na mabisa ang malunggay bilang pangontra sa mga sakit gaya ng cancer? Alamin.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” ipinakilala ang 56-anyos na si Alma Rodriguez ng Naic, Cavite, na halos lantang gulay na at tinaningan na noong Oktubre ng nakaraang taon matapos ma-diagnose na mayroon siyang Stage 4 colon cancer.
“Physically draining, mentally draining, emotionally draining siya. Lalo-lalo sa finances kasi umabot po kami ng P1.7 million,” kuwento ni Christine Rodriguez, anak ni Alma.
Ngunit makaraan ang halos isang taon, patuloy na lumalaban at unti-unti nang tinatalo ni Alma ang cancer.
Setyembre ng nakaraang taon nang biglang bumagsak ang katawan ni Alma. Hanggang sa matuklasan niyang maliban sa diabetes, meron na rin siyang stage 4 colon cancer.
“Kitang-kita ko talaga sa ultrasound. Maliit pa sa butas ng lapis 'yung dadaanan na lang ng pagkain ko. Nakatakip na 'yung mga bukol-bukol,” sabi ni Alma.
Bukod dito, na-diagnose din siya ng pitong iba pang mga sakit, kabilang ang sa baga at pantog.
Na-confined si Alma sa ospital sa loob ng mahigit dalawang buwan. Kasabay ng paghina ng kaniyang katawan, ang paglobo ng kanilang hospital bill.
Dahil sa lumalaking gastos, nagpasiya na ang mag-anak na sa bahay na lang magpagaling si Alma. Dito na rin siya kumapit sa herbal medicine.
Makaraan ang isang buwan na ang araw-araw na pagkain ng malunggay at pag-inom ng katas nito, napansin ng kaniyang pamilya ang pagbuti ni Alma.
Ang kaniyang colon cancer, unti-unti na rin umanong gumagaling.
“Natigil 'yung pain na sinisigaw ko sa hospital. 'Yung pasasalamat ko sa Panginoon na binigyan niya ako ng buhay,” sabi ni Alma.
Tatlong beses sa isang araw si Alma kung uminom ng malunggay tea o homemade na pinakuluang dahon ng malunggay.
“Medyo mapait. Tinitiis ko lang lahat ng pait kasi 'yun ang maganda sa katawan,” sabi ni Alma.
Ngunit ayon sa oncologist na si Dr. Jeniffer Mercado, wala pang pag-aaral na ginagawa tungkol sa epekto ng malunggay sa cancer cells pagdating sa tao.
“Nakikita lang ho na may mga components, ang mga dahon, ng malunggay. 'Yung pinagbasihan lang po noon ay cancer cells at mga daga. So wala pa po ng human subjects,” ayon kay Mercado.
Kilalang superfood ang malunggay o moringa olifera.
“Mataas siya sa beta-carotene, meron siyang quercetin, magnesium, calcium, especially vitamin C. Mataas ang antioxidant properties niya. Mabilis 'yumabong… So the more na kinukuhaan mo siya ng dahon, the more na dumadami 'yung kaniyang mga usbong,” sabi ni Dr. Mary Jean Magiteque, isang naturopath practitioner sa Philippine Institute Of Traditional And Alternative Health Care o PITAHC.
Si Diana Samonte naman na taga-Tubigon, Bohol, na-diagnose ng stage 4 Hodgkin's lymphoma, isang uri ng cancer sa dugo.
“Dumaan po ako sa bingit ng kamatayan. May taning na din ang buhay ko kasi hindi nag-promise ang doktor na masi-save po ako,” sabi ni Diana.
Nagdadalang-tao si Diana noong 2015, nang unang lumitaw ang sintomas ng kaniyang cancer, kung saan nagkaroon siya ng tubig sa baga. Hindi rin siya makatulog ng dalawang buwan.
Kalaunan, nakumpirmang cancer nga ito. Pahirapan ang paggamot sa kaniyang sakit, lalo may sanggol noon sa kaniyang sinapupunan.
Ligtas na naipanganak ni Diana ang kaniyang anak. Ngunit dahil sa kamahalan ng pagpapa-chemotherapy, naghanap siya ng alternatibong gamutan para sa cancer.
“Blend 'yung ginagawa ko sa malunggay. So yun 'yung iniinom ko. Nag-improve 'yung condition ko nung gumagamit na ako ng malunggay,” sabi ni Diana.
Ayon kay Merado, ang lymphoma ay cancer ng kulani. Ang paggamot ditto ay chemotherapy at radiation therapy.
Samantalam si Juvy De Mesa naman na taga-Muntinlupa, nagka-breast cancer noon, walong taon na umanong cancer-free.
Taong 2015, nung meron daw nakapa na bukol si Juvy sa kaniyang kanang dibdib.
Kalaunan, nalaman niyang malignant o cancerous pala ang kaniyang bukol. Mayroon siyang Stage 1A breast cancer.
Kalaunan, nagpa-mastectomy si Juvy o tinanggal ang buo niyang suso. Dahil sa takot at gastos, hindi na raw siya sumailalim sa chemotherapy.
Ngunit nabuhayan siya ng loob nang nalaman niya na gumaling umano sa cancer ang kaniyang pinsan kahit hindi nagpa-chemo.
“Awa ng Diyos. Nine years survivor na ako ngayon. O, ‘di ba? Talagang naniniwala ako sa malunggay. Kasi, mula’t sapul ‘yan, talagang ‘yan ang tumulong sa akin. Naging cancer-free po ako dahil sa malunggay,” sabi ni Juvy.
Sa kabila nito, mariing nagpaalala ang mga eksperto na mayaman man sa sustansiya ang mga dahon ng malunggay at sa kabila ng mga testimonya o sinasabing karanasan ng iba, wala pa ring pag-aaral na makapagpapatunay na epektibo ang malunggay na gamot sa cancer.
“When it comes to fighting cancer, it cannot stand alone. Kailangan pa natin ng more studies para po makita natin, number one, safe ba siya? Number two, effective ba siya? 'Yun po ay supplement lang. Maari pong may benefit sila nutritionally, pero po walang evidence na effective po sila alone sa pag-treat ng cancer,” sabi ni Mercado.
“Bagama’t mayroong mga pag-aaral na ang malunggay talaga ay nakakatulong, punta po kayo sa doktor. Tingnan niyo po kaano 'yung puwedeng maitulong,” sabi ni Magiteque. – FRJ GMA Integrated News
