Bukod sa pagtitinda ng empanada sa kanilang eskuwelahan, iba’t ibang trabaho rin ang pinasok ng isang estudyante para matustusan ang kaniyang mga pangangailangan at gastusin sa pag-aaral. Ang sakripisyo niya, nagbunga naman.

Sa nakaraang episode ng “Good News,” ipinakilala si Francis Diapera, naging maritime student sa University of the Visayas sa Cebu.
 
Pangarap na raw talaga ni Francis na sumampa ng barko kahit noong bata pa lang matapos magkaroon ng inspirasyon mula sa mga seafarer.

Ipinagpapasalamat ni Francis ang suporta ng ama sa kaniyang pag-aaral. Ngunit dahil sa hirap ng buhay noong pandemya, huminto ang suporta at nahinto siya.

Sa kabila nito, hindi isinuko ni Francis ang pangarap. Nagtrabaho siya isang hopia factory noong 2021.

Pero sa unang araw pa lang sa trabaho, kailangan agad mag-leave ni Francis matapos dumating ang masamang balita na namatay ang kaniyang ama.

Taong 2022 naman nang pumasok siya bilang security guard. Sinuportahan din siya ng mga tiyahin na nasa abroad para makabalik sa pag-aaral.

Nag-sideline din si Francis bilang fast food crew at delivery food rider sa gabi.

Aminado si Francis na mahirap ang pagsasabay niya ng trabaho at pag-aaral.

“May time po na parang sinukuhan ko na 'yung pag-aaral ko at trabaho kasi parang akong na-depression that time. Kasi na-over pressure na kasi ako,” ani Francis.

Ngunit hindi siya sumuko dahil motibasyon niya na mabigyan ng magandang kinabukasan ang kapatid na may epilepsy.

Sa lahat ng kaniyang raket, ang pag-resell ng empanada sa eskuwelahan ang pinaka-nagdala sa kaniya ng panalong kita.

“Nagbebenta 'yung girlfriend ko ng empanada. At tinikman ko na sobrang sarap niya. So nagka-interes ako na ibenta sa mga estudyante,” sabi ni Francis.

Palaging sold-out ang 200 pieces na araw-araw niyang dinadala sa paaralan. Sa bentang P15 kada piraso, kumikita si Francis ng P10,000 hanggang P15,000 kada buwan. Ito na tumustos sa kanilang mga gastusin sa araw-araw.

Makaraan ang anim na taong pagsusumikap sa pag-aaral upang maging marino, nagmartsa na si Francis nitong Hulyo 2025. Pinarangalan din siya ng CompMan Scholarship Award at Anchor of Dedication Award para sa dedikasyon niya sa pag-aaral.

“Masaya po ako dahil nakapagtapos ako ng pag-aaral matutulungan ko na 'yung magulang ko sa maintenance ng aking kapatid. At natapos ko na rin 'yung kinuha kong kurso na Marine Engineering,” sabi niya.

Nag-ipon na siya ngayon para sa darating na apprenticeship para maging ganap na seaman.

Tunghayan sa Good News ang pagbabalik ni Francis sa kaniyang unibersidad para mamigay ng libreng empanada sa mga mag-aaral at school staff na tumangkilik sa paninda niyang pangmeryenda.—FRJ GMA Integrated News