Ilang magulang ang problemado ngayon dahil sa kani-kanilang mga anak na hindi na umano nila maawat sa paglalaro ng online game na Roblox. Ang isang ina, nangangamba pa ngayon na baka makulong siya dahil sa utang na umabot sa daang libong piso dahil sa “pagbili” ng accessories ng anak sa naturang online games na inakala niyang hindi totoong pera ang pambili.

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” sinabing nauuso ngayong Roblox ay mula sa isang online platform na may iba’t ibang uri ng laro na magagamit ang users.

Ngunit ang ibang kabataan na nahuling sa naturang online games, napapabayaan na umano ang pag-aaral, nagiging mainitin ang ulo, at hindi na mautusan.

Ang 11-taong-gulang na si Princess, na mula sa Tagum City, Davao del Norte, ang laro na grow a garden ang kinahuhumalingang Roblox game. Dito, tila nagtatanim ang user, at maaaring makipagpalitan sa ibang user ng pet na magagamit din sa pagtatanim.

Pag-alis daw ni Princess ng stress sa pag-aaral ang paglalaro niya ng online game, na nagsimula noong 10-taong-gulang siya.

Pero pag-amin ng ina ni Princess na si Julie, hindi nila natutukan ang anak sa paglalaro ng online game dahil sa pagiging abala nila sa trabaho. Habang sa napansin na nila na unti-unting nagbabago ang ugali ni Princess.

Palagi raw itong galit, hindi mautusan, hindi na aktibo sa pag-aaral at umaabsent na.

“Nag-aalala po ako sa anak ko,” ani Julie.

Ngunit kahit alisan daw nila ng cellphone ang anak, gumagawa raw si Princess ng paraan para makapaglaro, gaya ng paghiram ng cellphone sa iba nilang kamag-anak.

Hanggang sa nagwala na si Princess nang ma-scam daw siya ng isang player sa ginawa nilang palitan ng pets.

Sa Valenzuela City, ang anak ni Rose na si Carla,10-anyos, balian ng buto sa kamay matapos madulas dahil sa magmamadali na makababa para makuha ang cellphone upang makapaglaro ng Roblox.

Inaabot umano ng gabi si Carla sa paglalaro ng online games dahil hindi rin maawat. Bukod sa naging mainitin din ang ulo, nagwawala at natututo na raw lumaban sa nakatatanda si Carla.

Ayon din kay Rose, naapektuhan din ang pag-aaral ng kaniyang anak. Kung dati ay nasa top 2 ito palagi, ngayon ay naging top 10 na.

Paliwanag naman ni Carla, masaya siya kapag naglalaro ng online games. Mas gusto raw niyang ubusin ang oras niya sa paglalaro kaysa ma-bully sa labas.

Sa Quezon City, hindi inakala ng ginang na si Jennifer, na malulubog siya sa utang dahil sa paglalaro ng anak niyang si Rommel, 11-anyos ng Roblox, kung saan ang game na kaniyang nilalaro ay kailangang “bumili” ng virtual accessories para lumakas. Ngunit ang hindi niya alam, totoong pera pala ang gamit na pambili.

Ayon kay Jennifer, naka-connect sa cellphone niya ang kaniyang e-wallet. At kapag tulog na siya, doon na ginagamit ng kaniyang anak ang kaniyang cellphone. Sa pagbili ni Rommel ng virtual accessories para sa kanilang nilalaro, pumasok ang “pambili” nito sa kaniyang e-wallet account.

Hanggang sa malaman na lang ni Jennifer na may utang na siya sa kaniyang e-wallet na umaabot sa P180,000.00. At dahil hindi na nababayaran ang naturang utang, lumubo na ito ngayon sa halagang P420,000.00.

“Hindi ko na alam kung makukulong ako anytime dahil sa utang na hindi mo naman ginusto. Mabigat sobra. Hindi ko alam na aabot ako sa ganitong point na halos mababaon ako sa utang,” saad ni Jennifer.

Sa kabila ng nangyari, hindi pa rin maawat si Rommel sa paglalaro ng naturang mobile game.

Hanggang saan nga ba dapat payagan ang paglalaro ng bata, at kailan ito nagiging adiksyon? Papaano matutulungan ang mga batang labis ang pagkahumaling sa paglalaro ng mobile games? Tunghayan ang paliwanag ng mga eksperimento sa buong ulat ng KMJS. Panoorin. – FRJ GMA Integrated News